“TAMA na ang dilatory tactics at mga palusot.” Ito ang kantyaw ng isang kongresista kay Vice President Sara Duterte matapos ibasura ng Korte Suprema ang petisyong naglalayong pigilan ang impeachment proceedings sa Kamara.
“Malinaw na dilatory tactic ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema. There is no legal basis to justify the issuance of a temporary restraining order (TRO) against the ongoing proceedings,” wika ni House Committee on Good Government and Public Accountability chair Rep. Joel Chua
“Hindi ito pulitika—ito ay pananagutan. Ang Konstitusyon ang sinusunod, hindi ang palusot,” dugtong ng kinatawan ng Maynila sa Kongreso.
Ayon kay Chua, ang isinasagawang impeachment process ay isang “constitutional, legal, evidence-based, and fair.” Masidhi rin aniyang sinusunod ng mga kongresista ang mga panuntunan alinsunod sa 1987 Constitution.
Kumbinsido rin si Chua na taktika ni VP Sara ang makakuha ng judicial intervention sa halip na direktang sagutin na lamang sa House justice panel ang mga kinakaharap na alegasyon.
“Bakit sa Kamara ayaw sumagot, pero sa Korte Suprema tuloy-tuloy ang paghahain ng petisyon para pigilan ang proseso?”
Pagtitiyak ni Chua, walang bahid politika ang prosesong nakasandig sa ebidensya.
“Due process is being observed—may pagkakataon siyang sumagot. Kung walang itinatago, humarap at sagutin ang mga alegasyon,” sambit ng kongresista.
