Ni ESTONG REYES
DISKUMPYADO si Senador Raffy Tulfo kung angkop na pamunuan ni Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa di umano’y land-grabbing ng pamilya ng Kalihim sa Palawan.
Partikular na pinagbatayan ni Tulfo ang alegasyon ng mga magsasaka mula sa mga bayan ng Coron at Busuanga laban kay Yulo-Loyzaga na napag-alamang administrator ng 40,000-ektaryang Yulo King Ranch sa naturang lalawigan.
Sa 40,000-ektarya, 7,000 ektarya di umano ang ginamit ng YKR bilang meat processing plant, sa kabila pa ng Presidential Proclamation 1387 na nagdeklara sa 40,000 ektaryang lupain bilang pasture reserve.
Bilang pambungad, ikinasa ni Tulfo ang Senate Resolution 985 na naglalayon imbestigahan ang mga sumbong tungkol sa paglapastangan umano sa mga protected area sa bansa.
Kasama sa resolusyon ang pagsisiyasat sa isyu ng 40,000 ektarya ng Yulo King Ranch kung saan kabilang sa mga ipatatawag bilang resource persons ang mga magsasaka sa Palawan.
Samantala, todo-tanggi si Yulo-Loyzaga sa mga paratang ni Tulfo kasabay giit na hindi sa pamilya Yulo ang lupang tinutukoy ng mga magsasaka.
“The Yulo family has never owned this land and has no interest in owning it.”
