KUMBINSIDO ang isang retiradong mahistrado na target ng bansang China ang mayamang deposito ng langis at natural gas sa West Philippine Sea.
Ayon kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, ito rin ang dahilan sa likod ng napabalitang agresibong pagtatambak ng dinurog na korales (corals) sa Escoda (Sabina) Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
“What they are planning to do is to have an outpost near the Reed Bank to prevent us from getting the gas,” wika ng retiradong mahistrado.
Unan nang ibinunyag ni Commodore Jay Tarriela na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) for the West Philippine Sea ang di umano’y paspasan at puspusang paggawa ng panibagong artificial sa sa Escoda Shoal na hindi kalayuan sa Palawan.
Batay sa pinakahuling ulat ng bantay-dagat, nasa 30 Chinese militia vessels – bukod pa sa mga research seacraft, navy ships at isang helicopter ang namataan ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
Batay sa isiniwalat ni Tarriela, naniniwala si Carpio na pakay ng China sa paggawa ng panibagong artificial island magtayo ng outpost sa Recto Bank.
Panawagan ni Carpio sa Department of Foreign Affairs (DFA) magsampa ng bukod na kaso laban sa China bunsod ng paninira ng bahura at korales sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Taong 1972 unang sinuri ng Office of Energy Affairs ng Pilipinas ang posibilidad ng petrolyo sa Recto Bank na 100-milya ang layo sa Palawan. Pagkatapos ng apat na taon, natumbok ang langis na may lalim na 250 feet sa tatlong lugar sa Sampaguita Fields.
Matapos ang tatlong dekada, iginawad ng pamahalaan sa dalawang British companies kabilang ang Forum Energy (na kontrolado ng bilyonaryong si Manny Pangilinan) ang Service Contract-72 sa hangaring simulan ang oil exploration na solusyon ng Pilipinas sa kinakapos na enerhiya at mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Gayunpaman, umatras ang mga dayuhang negosyante bunsod ng walang puknat na panggigipit ng China sa naturang bahagi ng West Philippine Sea.
Batay sa pinakahuling datos ng pamahalaan, nasa pitong artificial islands na nagsisilbing base militar ang ginawa ng China sa West Philippine Sea.
