
MATAPOS suspendihin bunsod ng paglagda sa ngalan ng Pangulo, muling itinalaga sa pwesto si dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian sa departamentong dating kinabibilangan.
Sa isang kalatas na inilabas ng tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, hinirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Sebastian bilang Undersecretary for Rice Industry Development.
Bahagi rin ng bagong trabaho ni Sebastian ang pagiging kinatawan ni Marcos Jr. sa Rice Competitiveness Enhancement Fund-Program Steering Committee, Philippine Rice Research Institute Board of Directors, National Food Authority Council, National Irrigation Administration Board of Trustees at International Rice Research Institute Board of Trustees.
Inatasan rin si Sebastian na pangunahan ang pagbalangkas ng mga planong naglalayon isulong ang industriya ng palay alinsunod sa Rice Industry Roadmap ng pamahalaan – kabilang ang mga mekanismong nagbibigay-suporta sa mga magsasaka.
Buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon nang maabswelto si Sebastian kaugnay ng kontrobersyal na paglagda ng Sugar Importation Order No. 4 sa kainitan ng usapin ng sugar smuggling noong Agosto ng nakaraang taon.
Sa imbestigasyon ng Palasyo, lumabas na walang basbas ng Pangulo – na siya ring tumatayong Agriculture Secretary – ang SO4 na nagbibigay pahintulot sa pag-angkat ng 300,000 metriko tolenadang asukal.
Samantala, hindi ikinalugod ng sektor ng agrikultura ang muling pagtatalaga ni Marcos kay Sebastian na anila’y may kinakaharap pang kasong administratibo kaugnay ng naturang bulilyaso.
“He no longer has moral integrity. It’s embarrassing that Marcos Jr.’s officials are being recycled. His record is not good,” ani Cathy Estavillo na tumatayong tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas.
“We are pushing for someone who is competent, pro-farmers and an advocate for promoting the strengthening of local production,” dagdag pa niya.