SA gitna ng kabi-kabilang imbestigasyon sa malawakang illegal smuggling sa bansa, sinibak sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kasabay ng anunsyo ng paghirang kay Bienvenido Rubio bilang bagong Commissioner ng Bureau of Customs (BOC).
Sa anunsyo ng Presidential Communications Office (PCO), walang inilahad na dahilan sa likod ng pasya ng Palasyo.
Bago pa man itinalagang kapalit ni Ruiz, nagsilbi si Rubio bilang Director ng BOC Port Operations Service at officer-in-charge ng Assessment and Operations Coordinating Group ng nasabing kawanihan.
Sa isang pahayag, inilahad ni Rubio ang plano sa BOC, kabilang ang pagpapataas ng antas ng koleksyon mula sa buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento at pagtugis sa mga sindikato sa likod ng malawakang smuggling.
“I believe in promoting good governance by strengthening the Bureau of Customs first, through active collaboration with its partner-agencies and stakeholders. Essentially, stakeholders will always be considered and included in the process of improving customs services and procedures,” ayon sa bagong BOC chief.
Kumpiyansa rin ang tubong Batac, Ilocos Norte na mareresolba sa kanyang pamumuno ang mga suliranin sa loob ng ahensya.
“I am also confident that 90 percent of the problems encountered by the customs administration can be solved just by looking at things from an inward perspective,” aniya.
Taong 2001 nang magsimula ang karera ni Rubio sa BOC bilang special agent.
…………