DAIG pa ng Chinese national na ginawaran ng Filipino citizenship, ang tumama ng sampung ulit sa palarong lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa isang pahayag na inilabas kasabay ng pagbubukas ng Senate inquiry kaugnay ng pagtakas ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo, partikular na tinukoy ni Senator Risa Hontiveros si Li Duan Wang na umano’y isa sa mga kasosyo ng pinakamalaking service provider ng mahabang talaan ng offshore gaming hubs.
Ayon kay Hontiveros, incorporator si Li Duan Wang ng POGO service provider na nagsara noong 2019.
“Si Li Duan Wang ay Incorporator ng New Oriental Club88 Corporation – ang pinakamalaking POGO Service Provider pero pinasara noong 2019 dahil sa paglabag sa batas,” ayon kay Hontiveros.
Sa kabila aniya ng closure order, noong 2019 nagawa pa rin umanong ituloy ni Li Duan Wang ang negosyo sa bisa ng inamyendahang articles of incorporation noong 2020 kung saan lumalabas na isa nang “Special Class of BPO” ang kumpanya ng Chinese national na nabigyan ng Filipino citizenship.
“Buhay pa po itong kumpanya ni Li Duan Wang as of last year, nakita po natin kanina yung incorporators na isa siya, at noong August 2024 lang ay inamyendahan uli ang kanilang AOI para pahabain ang corporate term at existence nila,” paglalahad ng senador.
“Nakakabastos po na lahat yan ay itinago ni Li Duan Wang sa Kongreso,” aniya.
Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang alegasyon ng pagkakasangkot ni Li Duan Wang sa kumpanyang binanggit ni Hontiveros.
“Yes, ma’am. We confirm the SEC document that was shown earlier. That basically establishes his link to POGOs,” ayon kay PAOCC Dir. Winston Casio na tumutukoy sa articles of incorporation na ipinakita ni Hontiveros.
Sinabi ng senador na natagpuan si Li sa isang gusali na nilusob noong gabi ng Marso 18 base sa mission order mula sa Bureau of Immigration hinggil sa scam operations.
Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Viado na natagpuan sa Li sa naturang gusali pero hindi sa nilusob na tanggapan.
“Ang natanggap po naming information is he was within the building, but not within the premises of the office that was raided,” ani Viado.
Ngunit, sinabi ni Viado na hindi nila nakuwestiyon si Li kung bakit andun siya sa naturang gusali bilang isang person of interest.
“Hindi po namin na-establish ang any connection between him and the corporation that was raided,” ani Viado.
Nitong Enero, inaprubahan ng Senado sa final reading ang House Bill 8839 na nagbibigay ng Philippine citizenship kay Li kahit marami itong “red flags” na ipinakita ni Hontiveros sa pagkakasangkot nito sa POGO hub sa Porac, Pampanga. (ESTONG REYES)
