MATABANG. Ganito ang paglalarawan ni Senador Risa Hontiveros sa paandar ng Manila Electric Company (Meralco) kaugnay ng P20-billion refund sa mga konsyumer mula sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
Sa isang pahayag, iginiit ni Hontiveros na hindi sapat ang P20-billion refund lalo pa aniya’t nasa P100 bilyon ang pagkakautang ng nasabing kumpanya sa mga konsyumer na siningil nang higit pa sa konsumo ng kuryente.
Para kay Hontiveros, marapat lang naman aniyang ibalik sa mga mamamayan ang labis na singil ng Meralco. Ang hindi umano makatwiran ay ang pagtapyas sa dapat bayaran sa mga mamamayan.
“Magandang balita ang refund para sa mga kababayan natin na iniinda ang mataas na singil ng kuryente ngayong summer season. Pero sa totoo lang, katiting lang iyan kumpara sa tinatayang P100 billion na sobrang kinolekta at dapat ibalik ng Meralco sa taumbayan,” wika ni Hontiveros.
Naunang iniutos ng ERC ang pagbabalik ng P19.9 bilyon na babayaran ng Meralco sa loob ng tatlong taon na sumasakop sa nasingil ng kompanya mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2025,
Pero, sinabi ni Hontiveros na aabot sa mahigit P100 bilyon ang utang ng Meralco sa konsyumer mula 2011 hanggang 2022 base sa pagsusuri ng ilang power industry experts.
“While we appreciate the latest refund, it is clearly an inadequate and temporary relief for consumers, who are being overcharged again and again for their power needs. Dapat na nating itama ang mismong sistema, para agarang maibalik sa taumbayan ang sobrang binayad nila sa Meralco, at maiwasan na ang over collections simulat sapul,” dugtong ng nag-iisang minorya sa Senado.
Ayon kay Hontiveros, nanguna sa pag-iimbestiga ng overcollection ng Meralco, maraming salik kaya pinayagan ang kumpanya sumingil nang sobra sa consumer sa loob ng mahabang panahon tulad ng kawalan ng epektibo, parehas at lantad na rate reset process ng ERC sa loob ng napasong regulatory periods.
Anang senador, bigo ang ERC sa pagpapatupad ng performance-based regulation o PBR, ang internationally-accepted rate-setting methodology, hinggil sa pag-reset ng Meralco rates — “This, has allowed the utility giant to use grossly unreasonable interim rates for nearly ten years.””
“Alarmingly, Meralco consumers have not had the benefit of reasonable and just electricity rates since 2011. Rates have not been based on Meralco’s actual costs and performance, but on unfair “interim” rates. Kaya tuloy, lagpas sampung taon ng sobrang nangongolekta ang Meralco sa bawat consumer,” ani Hontiveros.
“Dapat nang matigil itong hindi patas at mapang-abusong kalakaran ng Meralco. The latest refund should only be the start of a long process of returning every centavo unjustly taken by Meralco for years, while ERC slept on the job,” pahabol ng senador. (ESTONG REYES)
