MALAYO sa pagiging abogado ang ipinamalas na asal ni Vice President Sara Duterte nang hayagang pagbantaan so Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc.
Para kay Lotoc, malinaw na lumabag sa batas ang bise presidente kung ang pagbabatayan ay ang video recording ng online press conference ni Duterte noong Nobyembre.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis ng senado sa impeachment case na kinakaharap ni Duterte, inusisa ni Senator-Judge Risa Hontiveros si Lotoc hinggil sa legal significance na kasunod na pag-amin ng bise presidente.
“May diperensya po ba sa pagtrato sa pahayag ng isang tao kung pabor sa kanya o against sa interes niya ang admission?”
Tugon naman ni Lotoc — “Kasi base dito sa issue natin, ang Bise Presidente is abogada, alam na po niya yun na the moment she uttered those kind of statements, pwede ho siyang mag-fall in any criminal violation.”
Katunayan aniya, matapos ang November 23, 2024 livestream presscon ni Duterte, muling nagsagawa ang bise presidente ng late night online news conference ang bise presidente na muling nagbanggit sa pagkuha ng assassin.
“So pagdating ho noong November 26, instead of avoiding mentioning those utterances, instead of denying mentioning—o, instead of denying that she made those utterances, ang sinabi po niya, ni-reiterate niya, ‘Yes, sinabi ko yan,’ na someone has to take revenge kung sakaling mangyari ito, mamatay ako,” paglalahad pa ni Lotoc.
Tinanong muli ni Hontiveros si Lotoc na kung agad ding itinanggi ni Duterte ang banta ng nasasakdal sa buhay nina President Ferdinand Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at former House Speaker Martin Romualdez, ay
maiiba ba ang pagtrato ng NBI sa pangyayari.
Tugon ni Lotoc, hindi natural para sa isang tao na aminin “‘yung isang bagay na ikakasira niya o na ikakaharap niya sa isang paglilitis.”
“Kapag ho in-admit ng isang tao yung isang bagay na ikakasira niya, maliwanag na ginawa niya yun, sinabi niya yun, at determinado siya sa mga pangyayaring yun, o pursigido siya sa mga pangyayaring yun,” dagdag niya.
Nagtanong pa si Hontiveros kung bakit ang kasong grave threats ay may kaakibat na kaparusahan gayung hindi ginawa ang aktwal o o pisikal na pag-atake.
“Well, Your Honor, for purposes of peace and order among the populace, pag hindi in-address yung speeches o yung utterances na magka-qualify as grave threat, magkakagulo yung mga tao. Pwede na lang sabihin kahit na sino na, ‘Papatayin kita pag ito nangyari,’ uh, ‘Gagawin ko to sayo pag ito nangyari,’” paliwanag ni Lotoc.
“So I think the wisdom of the law is to avoid the disorder, the anarchy, and the chaos that it would create.”
