WALANG sinuman ang may karapatan pumatay o magbayad para kumitil ng buhay.
Ito ang buod ng mensahe ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua kaugnay ng aniya’y asta ni Vice President Sara Duterte matapos isailalim sa kustodiya ng Kamara si Atty. Zuleika Lopez na tumatayong chief of staff ng Office of the Vice President (OVP).
Para kay Chua, hindi sapat na dahilan para ipag-utos ng bise presidente ang pagpaslang sa First Couple at dating House Speaker dahil sa matinding galit bunsod ng pagkadetine sa House custodial center ni Atty. Lopez na sinasabing ‘malapit sa puso’ ng pangalawang pangulo.
Aniya, ang ipinamalas ni Duterte ang nagbunsod sa simpleng katanungan — dapat bang manaig ang galit ng isang mataas na opisyal at gamit ang posisyon para basta na lamang magpapatay o magbanta sa buhay ng nakaupong Pangulo, Unang Ginang at House Speaker.
“Regardless kung ito yung nag-trigger sa kanya, does it justify yung pagti-threaten niya, pagbabanta niya sa Pangulo?” ani Chua sa isang panayam sa ANC Headstart ni Karen Davila.
“I mean what if dumating yung panahon siya naging Pangulo at may nangyaring insidente, like for example may nangyaring insidente sa kanyang staff. Ibig sabihin ba noon gigyerahin na niya yung ibang bansa o kung sino man dahil sa galit niya?”
Para kay Chua, malinaw na nakasaad sa Saligang Batas ang probisyon sa accountability measures tulad ng impeachment proceedings na naglalayon tiyakin walang pagmamalabis sa hanay ng mga opisyales ng pamahalaan.
Sa ilalim ng naturang probisyon, nakapaloob din aniya ang mga parusa tulad ng pagpapatalsik sa pwesto at perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.
“Ang impeachment, ang sabi ni Justice Isagani Cruz, it is a method of national inquest unto the conduct of public men. Ang sinusuri dito ay yung pag-uugali ng taong nakapwesto,” sambit pa ng House prosecutor.
Ayon kay Chua, hindi dapat hayaang manaig ang maling gawi ng sinumang high ranking at impeachable official dahil ito ay humuhubog ng negatibong pananaw hindi lamang ng sambayanang Pilipino, kundi maging sa mapanuring mata ng international community.
“Ito ang magiging imahe ng ating bansa. So could you imagine kung isang presidente ay bayolente, ano magiging tingin sa atin ng ating mga kababayan, ng mga tao outside our country?”
“Ito ba dapat ang inaasal ng pangalawang Pangulo ng ating Republika ng Pilipinas?” diin pa niya.
Sa hiwalay na pahayag, ipinunto ni Deputy Speaker Janette Garin na ang Senate impeachment court ay hindi naglalayong pagtibayin ang criminal guilt ni Duterte, bagkus ay timbangin kung karapat-dapat pa siya manatili sa pwesto sa harap ng mga testigo at ebidensyang inilatag sa paglilitis.
Ayon kay Garin, malayong magkaiba ang constitutional proceeding sa criminal prosecution, gaya ng kinakaharap ngayon ng bise presidente lalo’t kaakibat nito ang pagtitiyak walang magaganap na pagtataksil sa tiwala ng publiko.
“At kapag sinabi natin betrayal of public trust, ang ibig pong sabihin nito ay pagtataksil sa taumbayan,” sambit pa ng ranking lady House official.
Pinuna ni Garin ang pilit na pambubutas ng depensa sa mga saksi at ebidensya ng prosekusyon, sukdulang puntiryahin pati ang mga typographical errors.
“Ang isyu dito, ang pinag-uusapan dito, ay hindi tuldok, comma o mga numero. Ang usapan dito ay kung nagkaroon ba ng grave threat o wala. Hindi tinutumbok ng defense yung tunay na isyu… nangyari ba o hindi. At kung nangyari man, bakit, at justifiable ba siya o hindi.”
