Ni LILY REYES
ALINSUNOD sa direktiba ng Pangulo, binalaan ng Transportation Office (LTO) ang publiko – kabilang ang mga taong-gobyernong gumagamit sa pribadong sasakyan, laban sa paggamit ng wangwang, blinker at iba pang flashing devices.
Inatasan na rin ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng regional directors na makipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para sa boluntaryong pagbabaklas ng sirena, blinker na nakakabit sa mga sasakyan.
Target din ni Mendoza isulong ni Mendoza ang imbentaryo sa mga sasakyan ng gobyerno at maging yaong pag-aari ng mga opisyales at kawani ng pamahalaan.
“I take this opportunity to appeal to our fellow government workers to voluntarily remove these gadgets in compliance with the directive of our Chief Executive, President Marcos,” apela ni Mendoza.
“Ayaw nating dumating pa tayo sa punto na magkakasitahan at magkakahulihan pa sa kalsada dahil maliwanag ang utos ng ating Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na mahigpit na ipatupad ang kautusan ng ating Pangulo,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng Section 1 ng Administrative Order ng Pangulo, lahat ng opisyal at tauhan ng gobyerno ay pinagbabawalan gumamit ng mga sirena, blinker, at iba pang katulad na mga gadget, kabilang ang mga dome light, at iba pang katulad na signaling o flashing device.
At sa ilalim naman ng Section 2, nakasaad na ang mga sirena, blinker, at iba pang katulad na mga aparato ay hindi dapat gamitin maliban na lamang kung kinakailangan para sa official use ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at mga trak ng bumbero, mga ambulansya, at iba pang mga sasakyang pang-emergency.
Sinabi ni Mendoza na nakipag-ugnayan na ang kawanihan sa Department of Transportation (DOTr) at sa iba pang kinauukulan para sa pagsusuri, at pag-update ng mga umiiral na patakaran at alituntunin upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng AO.
Dagdag ng LTO chief, sa panig ng mga pribadong sasakyan ay nakikipag-ugnayan na rin aniya ang LTO sa PNP at iba pang law enforcement agencies para mahuli ang mga lalabag.
