Ni ESTONG REYES
HINDI nakalusot kay Senador Risa Hontiveros ang aniya’y palusot ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa di umano’y pagkakaroon ng private army ni Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Hirit ni Hontiveros kay PNP chief Rommel Francisco Marbil, samsamin ang mga armas ni Quiboloy.
“I am again calling on the PNP Chief, PGen. Rommel Marbil, to lead better. Quiboloy is a high profile fugitive who must be apprehended. Baka kaya ang lakas ng loob magtago ni Quiboloy dahil sa mga armas at baril na pumoprotekta sa kanya. Trabahuin na ng PNP ang pagkansela ng mga armas niya. Bilis-bilisan na,” saad sa pahayag ni Hontiveros.
Hindi rin kinagat ng senador ang tinawag niya alibi ni Marbil sa kabiguan kanselahin ang lisensya ng mga armas ng puganteng religious leader.
Paliwanag ni Hontiveros, malinaw na nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng PNP ang pagbawi ng lisensya ng armas ng sinuman na nahaharap sa kasong kriminal.
“Sa dami at bigat ng pending cases ni Quiboloy, siguro naman puwede nang bawiin ang mga armas niya. Sa kasong human trafficking palang, non-bailable at lifetime imprisonment na ang parusa, kaya ano pa hinihintay ng PNP? Nakapagtataka ang bagal,” aniya.
Kinastigo rin ng mambabatas ang pahayag ng PNP na walang alam ang pambansang kapulisan sa private army ni Quiboloy – sa kabilang ng kumalat na larawan sa social media kung saan tampok ang mga KOJC members na nakasuot ng damit-sundalo habbang bitbit ang mga armas na sinasabing pag-aari ng kontrobersyal na pastor.
“Ang mga netizen alam na na may private army siya, tapos sarili nating kapulisan, hindi alam? Imposible. Di ba dapat mas kapaki-pakinabang ang intel unit niyo? Konting search lang sa social media, lumalabas na yan agad – mga armadong sundalo na nagtetraining at ang mga caption tila may pagbabanta pa sa sinumang lalapit sa poon nila. This is basic information.”
Una nang kinumpirma ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo ang pagmamay-ari ni Quiboloy ng 19 na baril.
Sa naturang bilang ng armas, isang baril ang expired na ang lisensya.
Gayunpaman, nanindigan ang tagapagsalita ng PNP na hindi pa rin maikokonsiderang “armed and dangerous” ang self-proclaimed ‘Appointed Son of God’ dahil wala naman aniyang record ng karahasan ang dating Presidential Spiritual Adviser ni former President Rodrigo Duterte.
