NAKATAKDANG ipasa ng National Food Authority (NFA) sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang bahagi ng supply ng bigas na nakaimbak lang sa bodega sa ahensya.
Paliwanag ni Agriculture Secretary Francis Tiu-Laurel, layon ng nasabing hakbang palawakin ang pagkakaroon ng abot-kayang bigas sa mga pamilihan.
Gayunpaman, nilinaw ni Laurel na ang ibebentang bigas ng NFA sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ay yaong dalawang buwang gulang na stock ng bigas. Ang halaga ng bentahan — P38 kada kilo.
Bukod aniya sa dalhin sa mas maraming lugar ang murang bigas, target din umano ng kagawaran paluwagin ang mga imbakan bilang paghahanda sa pagdating ng bagong supply sa nalalapit na panahon ng anihan.
Samantala, ibinahagi ni Kalihim na nakatakda na rin bumili ng palay ang NFA sa halagang P23 kada kilo sa mga susunod na linggo.
