KABIGUAN na hilahin pababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan ang nakikitang dahilan sa likod ng plano ng Department of Agriculture (DA) na bawiin ang tariff cut para sa mga imported rice.
Pag-amin ni Assistant Secretary Anel de Mesa na tumatayong tagapagsalita ng departamento, posibleng ibalik ng pamahalaan sa 35% ang ipinapataw na taripa sa mga bigas na inaangkat mula pa sa ibang bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni de Mesa na kailangan pa muna pakalmahin ang presyuhan ng bigas sa international market bago magsumite ng rekomendasyon ang kagawaran kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ilalim ng Executive Order 62 ni Marcos, ibinaba sa 15 percent ang taripa sa imported rice — mula sa dating 35 porsyento.
“May tinitingnan na ngayon o usapin itong issue na ito, may possibility iyan pag patuloy ang pagbaba ng presyo sa international market at maayos na yung mga pamantayan, may posibilidad na magrekomenda ang DA na ibalik na yung taripa to a certain level,” aniya.
Ayon kay de Mesa, patuloy na mataas ang presyo ng bigas sa merkado bunsod ng umano’y malaking “patong” ng mga retailer.
