Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA kauna-unahang pagkakataon, apat na komite ng Kamara ang magsasanib-pwersa para magsagawa ng joint-hearing kung saan target ng ‘quad committee’ talupan at panagutin sa umiiral na batas ang mga sindikato sa likod ng illegal POGO at kalakalan ng droga sa bansa.
Itinakda ng House Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts ang pagsisiyasat sa darating na Agosto 15 para busisiin ang magkakakabit na isyu ng POGOs, illegal drugs, at extrajudicial killings (EJK) na may kaugnayan sa anti-drug campaign ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, na tumatayong chairman ng dangerous drugs panel, meron na rin nakuhang impormasyon hinggil sa suhulan at sabwatan sa pagitan ng mga “criminal organizations” at mga opisyales ng gobyerno na tumatanggap ng dibidendo sa kita ng sindikato sa kalakalan ng droga sa bansa.
Pasok din sa nabuking ang bonggang alok ng mga dayuhang sindikato sa mga taong gobyerno para makakuha ng fake documents para sa Filipino citizenship na gamit sa pamimili ng lupang gagawing front para sa legitimate businesses gaya ng POGO.
“Sa aming teorya naniniwala kami, because the four committees that have been conducting all these hearings, mayroon pong overlapping and commonalities in the issues that we are tackling,” sabi pa ni Barbers.
Ang iba pang makakasama ni Barbers sa nasabing ‘quad committee’ ay sina Reps. Dan Fernandez ng Santa Rosa City (Public Order and Safety), Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng Manila 6th District (Human Rights), at Joseph Stephen “Caraps” Paduano ng Abang Lingkod Partylist (Public Accounts).
Nabuo ang joint-congressional probe matapos ang ocular inspection ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama ang iba pang kongresista sa Chinese-operated POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, at ang warehouse sa Mexico, Pampanga kung saan nadiskubre ang P3.6-billion halaga ng shabu.
Ayon kay Barbers, nais nilang makabuo ng rekomendasyon para ipagharap ng kaukulang kaso ang mga nasa likod ng mga nasabing karumal-dumal na gawain kabilang ang ilang tiwaling government officials.
“We will recommend prosecution against people in government that are involved in this shenanigan and of course ‘yung remedial legislation na magiging bunga nito,”sabi pa ng Mindanaoan lawmaker.
“Ang objective dito kasi isang malaking criminal organization ang aming teorya na nag-o-operate sa ating bansa and because of that, we will have to come up with a legislation to ensure that this will not happen anymore kung meron tayong batas,” pagtatapos niya.
