NAKATAKDANG sipain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sadyang nilikha para imbestigahan ang anomalya sa likod ng mga programang imprastraktura ng pamahalaan.
Ayon mismo kay Palace Press Officer Claire Castro, pinag-aaralan na ng Pangulo kung saan pwede ilipat si Magalong na tumatayong special adviser at lead investigator ng ICI.
Paliwanag ni Castro, hangad ng Pangulo tiyakin hindi makompromiso ang pagiging independent ng ICI.
Hindi rin aniya angkop na i-sakripisyo ang kapakanan ng mga mamamayan ng Baguio City dahil wala sa lungsod ng kanilang inihalal na alakde.
“Ang sabi ng Pangulo ay ipapaaral na ito sa legal team at kung saan siya maaring masama o saan siya nararapat para hindi ma-compromise ang independence ng ICI at hindi magkaroon ng violation sa anumang batas,” ani Castro.
Kinikilala aniya ng Presidente ang naging ambag ni Mayor Magalong kaya siya itinalaga bilang special adviser pero nilinaw na hindi ito ang pangunahing nag-iimbestiga.
Samantala, usap-usapan sa Palasyo ang umano’y napipintong pagtatalaga kay dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III bilang kapalit ni Magalong.
Kasalukuyang nasa floating status ang heneral matapos maglabas ng relief order ang Palasyo bunsod ng hidwaan sa pagitan ni Torre at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
