SA hangaring itaas ang antas ng serbisyo sa mga komunidad, dalawang panukalang kapwa naglalapit ng gobyerno sa mga tao ang inihain sa Senado.
Sa Senate Bill 197 (Magna Carta for Barangays) na inihain ni Senador Bong Go, bibigyang pagkilala ang sigasig ng mga opisyales barangay, gayundin ang SBN 427 (Barangay Health Workers Compensation Act) para naman sa mga health workers.
“These dedicated officials work tirelessly to ensure the welfare and well-being of their constituents, making them essential pillars of effective governance,” pahayag ni Go.
Para kay Go, lubhang mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga nasa barangay sa hangarin ng pamahalaan na lahat ay mapagsilbihan.
Paglalarawan ng senador, ang barangay ang gulugod ng gobyerno lalo pa’t sila aniya ang direktang nakikipag-ugnayan sa mga mamamayan hanggang sa kasuluk-sulukang komunidad.
Sa ilalim ng SBN 197, isinusulong ang pagbibigay ng sweldo at benepisyo (kabilang ang hazard pay, representation and transportation allowance, 13th month) sa mga opisyales ng barangay, Sangguniang Kabataan, barangay secretary, at ingat-yaman tulad ng iba pang empleyado ng pamahalaan.
“I originally filed the Magna Carta for Barangays last 18th Congress and I refiled it dito po sa 19th Congress since I believe that we need to improve the general welfare of our barangays and their residents, raise the economic and social status of barangay officials, and grant every barangay the basic facilities for decent, healthy and comfortable living,” paliwanag ng senador.
“Naintindihan ko po ang trabaho po ng ating mga barangay officials. Matagal po akong nagtrabaho kay dating pangulong (Rodrigo) Duterte (kahit noong mayor pa siya). Yan po ang unang-una – sa umaga pa lang, nakapila na yan, dala-dala ang mga problema ng barangay. At pinakahuling oras hanggang gabi, sila po yung nandyan sa baba, na talagang humihingi ng tulong at nagdadala po ng serbisyo sa kanilang nasasakupan. Lahat ng problema – patay, pasyente, away sa barangay, lahat. Lahat po ng problema sa barangay nila, sila po ang nag-aasikaso,” dagdag pa niya.
Sa ilalim naman ng SBN 427, target naman bigyan pagkilala sa paraan ng kompensasyon at benepisyo ang mga barangay health workers na direktang nangangasiwa ng mga programang pangkalusugan ng pamahalaan. Sila rin aniya ang unang rumeresponde sa tuwing may epidemya at pandemya.
“Ang mga barangay health workers natin ay nasa frontline po lalung-lalo na po sa malalayong lugar. Sila po ang nag-aasikaso. Sila po ang tumutulong sa paggagamot ng ating mga kababayan, lalung-lalo na sa mga komunidad na walang doktor,” sambit pa ni Go.
“Napapanahon naman po na sila ay bigyan natin ng sapat na halaga, alagaan po natin sila at bigyan natin sila ng sapat na benepisyo,” aniya pa.