SA halip na isuko ang dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap sa International Criminal Court (ICC), nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na sila na lang ang uusig sa sinumang sangkot sa madugong giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Sa isang pulong-balitaan, hayagang tinabla ni Justice Secretary Crispin Remulla ang mga panawagan sa pamahalaan na ipaubaya sa ICC ang paglilitis laban sa dating Pangulo, Sen. Ronald Dela Rosa (na tumayong hepe ng pambansang pulisya noong inilunsad ang madugong drug war) at iba pang pinaniniwalaang sangkot sa kabi-kabilang patayan sa ilalim ng administrasyong Duterte, sakaling maglabas ng mandamiento de arresto ang pandaigdigang husgado.
Giit ni Remulla sa ICC, ibigay sa kanila ang mga ebidensya para masimulan ang DOJ sa pag-uusig sa mga idinemanda.
“Ang sinasabi ko naman, basta merong ebidensiya na nakaturo sa mga taong nais nilang usigin natin ay ibigay sa atin ang ebidensya at tayo na ang bahala na habulin ang mga tao gumawa ng mga krimen sa ating bansa,” sambit ni Remulla.
Nakatakdang ilabas ngayon araw – Hulyo 18 – ng Appeals Chamber ng ICC ang desisyon sa apela ng pamahalaan na ibasura ang imbestigasyon laban kay Duterte at iba pang personalidad na sangkot sa madugong drug war.
Una nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na napipintong kasuhan agad at iparesto ng ICC prosecutor ang sina Duterte, dela Rosa at iba pa.
Gayunpaman, nagmatigas si Remulla. Aniya, hindi sila papayag na makatungtong sa Pilipinas ang arresting team ng ICC.
“Hindi. Wala silang gagawin dito eh. Wala silang kinalaman sa atin dito. At ano gagawin nila, papasukin nila tayo? Gusto ba nilang pasukin tayo bilang isang kolonya na naman? Eh tapos na ‘yon, eh,” pagtatapos ng Kalihim.