MATAPOS kanselahin ng Department of Agriculture (DA) ang mungkahing pag-angkat ng 330,000 metriko toneladang bigas ng National Food Authority (NFA), pinagbalingan naman ng nasabing ahensya ang mga magsasakang Pinoy.
Ayon sa grupong Bantay Bigas, sukdulang pambabarat ang ginagawa ng NFA sa mga lokal na magsasaka.
Katunayan ani Cathy Estavillo na tumatayong tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas, pinagpipilitan ng nasabing ahensya na bilhin ang bigas ng mga magsasaka sa halagang P19 lang kada kilo – malayo sa P23 kada kilong alok ng mga rice traders.
“Ang buying price (ng NFA) ay nineteen pesos pero eto yung clean and dry,” paliwanag ni Estavillo sa likod ng pagtanggi ng mga magsasaka na ibenta sa NFA.
Aniya, ang alok na presyo ng NFA ay katumbas ng alok ng mga rice traders para sa kanilang bagong aning palay – hindi pa bigas.
Paliwanag ng tagapagsalita ng Bantay Bigas, mayorya sa mga magsasaka ang mas pinipiling ibenta agad ang bagong ani bunsod ng kawalan ng post harvest facilities kung saan pwedeng ilagak at patuyuin ang palay.
Bukod sa pagiging barat, inilarawan din ni Estavillo ang NFA na sobrang selan – “Ang gusto ng NFA, clean and dry sa presyong P19 kada kilo. Kaya siguro gusto nila umangkat na lang para punan ang kakulangan sa buffer stock.”
Una nang kinansela ng DA ang planong pag-angkat ng NFA ng hindi bababa sa 330,000 metriko toneladang bigas mula sa mga karatig bansa sa gitna ng nakaambang kakulangan ng supply pagsapit ng buwan ng Hulyo.
Paliwanag ng DA, labag sa probisyon sa ilalim ng umiiral ng Rice Tariffication Law ang pag-angkat ng supply para punan ang buffer stock ng gobyerno. Sa ilalim ng naturang batas, pede lamang ang NFA na kumuha ng supply mula sa mga lokal na magsasaka.
Gayunpaman, nilinaw ng DA na tanging ang Pangulo lang ang may kapangyarihan magbigay hudyat sa giit na rice importation sa kondisyon may ‘emergency need’ ang sambayanan.
“Kaya sinasabi ng NFA na kailangang mag-import dahil hindi sila makakapamili sa mga magsasaka dahil sa mataas na presyo (ng rice traders) ng clean & dry, habang nakafix naman ang NFA sa nineteen pesos… eh wala talaga silang mabibili,” ayon pa kay Estavillo.
Pagsisiwalat pa ni Estavillo, nag-alok umano ang NFA na ipagamit ang pasilidad para ibilad ang aning palay ng magsasaka bago bilin ng naturang ahensya sa presyong P19 kada kilo.
“Ang masaklap pa nun, ibabawas pa sa P19 ang renta sa paggamit ng pasilidad nila,” aniya pa.
Apela ng Bantay Bigas sa NFA, dagdagan ang alok na presyo sa pagbili ng palay ng mga magsasaka, kasabay ng panawagan i-abswelto huwag na silang singilin sa paggamit ng pasilidad ng NFA.