HAYAGANG kinaladkad ng National Bureau of Investigation (NBI) si susunded Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa ilegal na operasyon ng e-sabong sa Visayas region.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado, inamin ni NBI Central Visayas chief Rennan Augustus Oliva na sangkot sa ilegal na pasugal ang bruskong kongresista na itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Katunayan aniya, Setyembre 20,2022 nang personal siyang bisitahin sa kanyang tanggapan ni Teves kasama ang alalay na nakilala sa pangalang Tomasino Aledro.
Kwento pa ni Oliva, direktahan siyang tinanong ni Teves kung sino ang nagbigay pahintulot sa NBI para salakayin ang sabungan sa bayan ng Minglanilla sa lalawigan ng Cebu kung saan umabot sa 40 katao ang inaresto habang nagla-livestream ng talpakan sa loob ng sabungan.
Nang hindi pagbigyan ang ungot ni Teves, tinakot di umano siya ng kongresista na sasampahan ng demanda.
“I just laughed and I told him, you cannot tell me to betray my oath as a law enforcement officer. You just follow the order of the President,” sambit ni Oliva.
“I told him frankly, if you want to file a case, you file a case against me. I will answer it because it is not true. I am not afraid,’” aniya pa.
Bukod kay Oliva, maging si NBI Assistant Director Noel Bocalin kinontak din umano ni Teves matapos salakayin ng mga operatiba ng NBI ang ang isang e-sabong facility sa Cebu na pinaniniwalaang pag-aari ng nagtatagong kongresista.
Bago pa man ang pagsisiwalat ng NBI, una nang kinaladkad ni Pamplona (Negros Oriental) Mayor Janice Degamo na ang pamilya Teves ang nasa likod ng malawakang operasyon ng e-sabong at small town lottery (STL) sa Visayas at Mindanao.