“IF the government can raise Maharlika billions, why not funds for onion cold storages?”
Ito ang kantyaw ni House Deputy Speaker Ralph Recto kaugnay ng aniya’y malamig na pagtanggap ng gobyerno sa isinusulong na alokasyon para makapagpagawa ng mga cold storage facilities na angkop paglagakan ng mga ani ng mga magsasakang Pilipino.
Ayon kay Recto, karaniwang problema ng mga magsasaka ang cold storage kung saan nila pwedeng dalhin ang mga aning palay, gulay at prutas.
Kesa aniya mabulok sa kawalan ng kakayahang bumayad sa mga cold storage facilities na pag-aari ng mga pribadong kumpanya, napipilitan na lang ang mga magbubukid na ibenta sa murang halaga ang kanilang ani.
Taliwas naman ayon kay Recto ang pagtingin ng gobyerno sa Maharlika Investment Fund (MIF) na tinutulak ng administrasyon.
Paliwanag ng kongresista, barya lang ang P40 milyon sa pagtatayo ng isang cold storage facility kumpara sa P250 bilyon na pilit ipinangingilak ng administrasyong Marcos.
“Ang sa akin lang, equality in prioritization. Kung kaya daw i-raise ang ilang bilyon para sa isang investment fund, siguro naman mas madaling pondohan ang isang bagay na mas mababa ang halaga,” ayon sa mambabatas.
Mahalaga aniya na magkaroon ng cold storage hindi lang para sa sibuyas kundi sa lahat ng ani na madaling mabulok. Sa gayong paraan, hindi na umano magagawa pang magsamantala ng mga ganig na negosyante at maging ang mga kartel na nagdidikta ng presyo ng mga produktong agrikultura sa merkado.
Sa ngayon aniya ay 550,000 tons ng pagkain ang kayang ilagay sa may 151 private storage facilities na accredited sa Bureau of Plant Industry (BPI) sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog regions.
“Kulang talaga. Yung 230,000 tons natin na local onion production, in theory, would already occupy half of our cold storage parking space. May gulay, karne at iba pa. Dagdag pa vaccines and drugs,” ayon pa kay Recto.
“Yung postharvest losses natin umaabot ng 15 percent sa ilang produkto. Kaya ang makatarungang hiling ng mga magsasaka, ‘Pwede ba itong pinagpaguran namin gawan nyo ng paraan na huwag agad mabulok.”