PARA kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, abot-kamay na ang resulta ng reporma at modernisasyon sa kapulisan sa tulong ng makabagong teknolohiya.
Sa ginanap na lingguhang pulong balitaan, ibinida ni Azurin ang digital booking system ng PNP, na aniya’y hudyat ng mas epektibong pagtugon sa mga tawag ng saklolo at mailap na hustisya – maging ang solusyon sa tinatayang 8,000 kasong naitatala sa iba’t ibang panig ng bansa kada araw.
Pagmamalaki ni Azurin, ang digital booking – na kilala rin sa tawag na e-booking, ay magbibigay-daan sa mabilis na kalutasan ng mga kaso kada araw gamit ang makabagong teknolohiyang kalakip ng PNP modernization program.
Bukod pa aniya sa episyenteng crime solution, malaki din umano ang matitipid ng gobyerno sa ilalim ng programang bunga ng pagsisikap ng Directorate for Investigation and Detective Management na puntirya ang mabilis na ‘cross-matching’ ng mga fingerprints gamit ang Automated Fingerprints Identification System.
“Soon enough, mawawala na ang mano-manong paraan sa paglutas ng kaso.”
Pag-amin ni Azurin, Pilipinas na lang marahil aniya ang gumagamit ng sinaunang paraan sa paglutas ng mga nagaganap na krimen.