Ni ESTONG REYES
KINASTIGO ng isang senador ang di umano’y selective policy ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng labis na paghihigpit sa mga Pinoy na taliwas naman sa trato sa mga Chinese nationals na pumapasok sa Pilipinas.
Partikular na tinukoy ni Senador Chiz Escudero ang hindi pangkaraniwang paglobo sa bilang ng mga Chinese nationals na binigyan ng student visa na nagbibigay pahintulot sa pananatili sa bansa sa kabilang pa ng dudang pagiging espiya.
“Istrikto sila sa mga Pilipinong umaalis pagdating sa pago-offload pero ang luwag luwag naman nila pagdating sa mga POGO employees, POGO players pagdating sa mga hinihinalaang espiya o estudyante. Hindi ba dapat strikto tayo sa nakakapasok sa ating bansa at maluwag tayo sa kapwa nating Pilipino?” wika ni Escudero.
Pangako ng senador, unang isasalang ang BI sa sandaling sumipa ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng nabunyag na bentahan ng student visa sa mga Chinese nationals na pinaniniwalaang nakamata sa mga pasilidad ng militar sa lalawigan ng Cagayan.
Samantala, nanawagan sa gurong unang nagsiwalat ng “degree for sale” modus na magsadya sa senado para sumipa ang imbestigasyon hinggil sa nabistong bulilyaso.
