WALANG nakikitang pag-angat sa estado ng pamumuhay ang pamilya ng mga obrero hangga’t umiiral ang kontraktwalisasyon sa sektor ng paggawa, ayon sa Kilos Manggagawa (KM).
Panawagan ng KM sa Department of Labor and Employment (DOLE), buwagin ang manpower agency scheme na gumagapos sa buhay ng mga manggagawang nakatali sa fixed-term employment minimum wage.
Partikular na tinukoy ng KM ang inilabas na talaan ng DOLE kung saan umabot sa 3,377 kumpanya – kabilang ang Meralco, Jollibee, Dole, PLDT sa mga kumukuha ng manggagawa sa mga manpower pooling agencies at subcon na pag-aari din nila.
Para sa grupong KM na binubuo ng mga miyembro mula sa National Confederation of Labor (NCL) at Alliance of Genuine Labor Organization (AGLO), inutil ang Department Order 174 ng DOLE kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang tinaguriang ‘labor-only contracting scheme.’
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Marso ng nakalipas na taon, pumalo na sa 21 milyon sa 48.5 milyong may trabaho ang nananatiling contractual employees ng “manufacturing and service industries” sa nakalipas na tatlong taon nang walang benepisyo.
Ayon sa KM, 20 ulit na mas mataas ang dami ng mga contractual workers ngayon kumpara sa 1.3 milyon noong 2018.
Bilang tugon, tiniyak ni Atty. Ernesto Arellano, tagapangulo ng NCL, isusulong ng alyansa ang regularisasyon ng mga contractual workers sa bisa ng kabi-kabilang kilos-protesta, petisyon at iba pang paraan naaayon sa batas.
“Halos tatlong dekada ng pinaiiral ng manpower agency ang iskema sa paglalaan ng mga contractual workers para sa mga employer. Halos mababa sa anim na buwan ang pagtatrabaho ng manggagawa sa isang kompanya at pagkatapos ay tanggalin sila agad upang hindi umabot sa regular status upang maiwasan ang pagbabayad ng mga bayarin na kaugnay ng regularisasyon,”” lahad ni Arellano.
“Muling kukunin ng kompanya sa manpower agency ang tinanggal nitong obrero bilang konsiderasyon umano sa pagkakaroon ulit nito ng trabaho. Pero sa esensya, nakamenos ang kompanya sa training time at lower error rates kapag kumuha sila ng bagong manggagawang isasalang pa muna isang pagsasanay sa gawain,” dugtgongg pa ng abogadong kumakatawan sa mga obrero.
Hirit naman AGLO President Atty. Jimmy Miralles sa DOLE, ipawalambisa ang DO 174 na nagpalala sa epekto ng gawaing paggawa na ito sa mga karapatan ng mga manggagawa, seguridad sa trabaho, at pangkalahatang pag-unlad ng sosyo-ekonomiko.
Nilinaw pa ni Miralles na layon ng alyansa puspusang pagtuunan ang pag-oorganisa at pagtulong sa mga contractual employees para maging regular na empleyado – estadong pilit iniiwasan ng kumpanyang pinapasukan ng mga manggagawang Pilipino.
