SA dami ng insidente ng paglabag sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan, higit na angkop sanayin din ang mga lalaking pulis sa paghawak ng kasong may kaugnayan sa tinaguriang Violence Against Women and Children (VAWC).
Sa isang kalatas, hinikayat ni House Committee on Public Order and Safety Vice Chairman at Abra Rep. JB Bernos ang Philippine National Police (PNP) na isailalim sa kaukulang pagsasanay ang mga “male cops” para sa mas epektibong pagtugon sa dumadaming kaso ng pananakit at pang-aabuso sa mga babae at bata.
Para kay Bernos, magandang hakbang ang ginawa ng PNP na magtalaga ng mas maraming policewomen sa mga barangay para matugunan ang nakakabahalang pagtaas sa bilang ng nabanggit na kaso.
Subalit iginiit ng Abra solon na mainam pa rin na ang mas malaking bilang ng PNP personnel ang mayroong kakayahang sa VAWC cases.
“I believe that deploying more women officers is a good step. But for the long-term, I hope the PNP continues to enhance its gender-sensitivity and humanistic training so that even male cops can better respond not only to cases of abuse and violence against women and children, but to all cases,” wika ni Bernos.
“Empathy should always go hand in hand with the pursuit of justice and law enforcement,” dagdag niya.
Base sa datos ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang Unified 911 emergency hotline na pinamamahalaan ng PNP, ay nakatanggap ng mahigit 5,000 VAWC-related calls noong nakaraang taon 2025 o katumbas ng hanggang 500 VAWC-related reports kada buwan.
Panawagan ng House panel vice-chairman sa PNP, tiyakin ang aksyon sa bawat kaso ng karahasan, pagmamaltrato, pang-aabuso.
Sa maagap na tugon ng kapulisan, naniniwala naman si Bernos na mas lalakas na ang loob ng mga biktima dumulog sa pulisya at magsampa ng kaukulang kaso kapag nakakaramdam na sila ng kapanatagan habang nasa PNP-Women’s desk.
“Ayaw ng mga kababayan natin ng mga pulis na bastos, arrogante, at walang simpatiya. Kaya umaasa tayo na patuloy ang liderato ng PNP sa pag siguro na mapanagot ang mga miyembrong dumudungis sa pangalan nito, at na ang kasalukuyang hanay ng kapulisan ay mapupuno ng mga taong pinahahalagahan ang respeto sa kapwa at sa sarili,” pagtatapos ng kongresista.
