TARGET ng Estados Unidos magtayo ng isang kakaibang pabrika sa mga kaalyadong bansa tulad ng Pilipinas. Subalit, hindi tulad ng pangkaraniwang pabrika ang pakay ng Amerika.
Sa isang pahayag ng Pentagon, kinumpirma na isa ang Pilipinas sa posibleng pagtayuan ng bagong ammunition production para sa mga sasakyang pandigma ng Estados Unidos.
Partikular na gagamitin ang pasilidad para sa paggawa ng 30mm cannon rounds na karaniwang ginagamit ng military aircraft at ground vehicles.
Sa ilalim ng inisyatiba ng 16-member state Partnership for Indo-Pacific Industrial Resilience (PIPIR) na binuo noong 2024, target palakasin ang kakayahan ng mga kaalyado sa Asia-Pacific sa paggawa ng kagamitang militar para hindi na umasa sa ibang bansa.
Inilunsad din ng grupo ang iba pang hakbang, kabilang ang bagong programa sa paggawa ng solid rocket motors na pangungunahan ng Japan para palakasin ang produksyon ng mahalagang bahagi ng mga missile system sa labas ng US.
Sa mga drone, nagkasundo naman umano ang mga kasaping bansa na bumuo ng isang pamantayan at shared supply chains para sa maliliit na military drone, kabilang ang produksyon ng baterya at maliliit na motor, at pag-aaral ng joint manufacturing sa rehiyon.
