PROFESSIONAL liar ang paglalarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na pilit aniyang nagdadawit sa kanyang pangalan sa kalakaran ng droga.
Partikular ni tinukoy ni Marcos si former PDEA investigation agent Jonathan Morales na di umano’y nasa likod ng tinaguriang PDEA Leaks.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng tone-toneladang drogang nasabat sa Batangas, biglang umeksena si Morales bitbit ang kopya ng mga dokumentong patunay aniyang target ng PDEA si Marcos noong Marso 12, 2012.
Matapos makarating ang impormasyon hinggil sa alegasyon ni Morales, tinawanan lang ni Marcos ang “PDEA document” kung saan di umano nakatala ang kanyang pangalan, kasama ang aktres na si Maricel Soriano sa mga target ng ahensya sa operasyon kontra droga.
Para kay Marcos, walang dahilan para paniwalaan si Morales na una nang kinasuhan dahil sa paglalahad ng kasinungalingan sa testimonya sa husgado.
Samantala, kampante naman ang Pangulo na hindi magtatagumpay ang destabilization plot – kung meron man, laban sa administrasyon. Hindi na rin aniya kailangan pang magsagawa ng loyalty check sa hanay ng mga sundalo at pulis.
