WALA na sa hurisdikson ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsipa sa pwesto ni Bamban Mayor Alice Guo, sakali kung totoo ang hinala ni Senador Risa Hontiveros na hindi isang Pilipino ang alkaldeng kaladkad sa kontrobersiya ng illegal POGO operation sa lalawigan ng Tarlac.
Gayunpaman, nilinaw ni Comelec chairman George Garcia na maaaring dumulog sa husgado na aniya’y may kapangyarihan tanggalin si Guo na pinaniniwalaang Chinese national.
Ayon kay Garcia, personal niyang kinalkal ang rekord ng alkalde nang maghain ng kandidatura sa lokal na tanggapan ng Comelec noong Mayo 2022.
Sa kanyang pagrerebisa, napag-alamang wala maski isang residente mula sa naturang bayan kumuwestyon sa citizenship ng noo’y aspirante pa lang na si Guo.
Wala rin aniyang naghain ng disqualification case laban kay Mayor Guo – “Wala po, wala pong nakapag-file.”
Giit pa ng Comelec chief, limitado sa pagtanggap ng Certificate of Candidacy ang poll body sa tuwing panahon ng halalan kung saan tinitiyak lamang di umano ng ahensya na kumpleto ang sagot ng mga aspirante sa mga katanungang nakatala sa Comelec form.
“Pagkatapos po noon, yun po ay sapat na sa amin. Hindi po kami magpapa-require ng dagdag na ebidensya, o kahit anong dokumento. Ipe-presume po namin yun na valid ang kanyang deklarasyon at tama ang kanyang deklarasyon,” paliwanag ni Garcia.
Hindi na rin aniya saklaw ng Comelec ang kandidato pagkatapos ng proklamasyon.
“Halimbawa po, yung isang mayor ay nanalo. May issue pala sa kanya tungkol sa citizenship, hindi naman nakita ng kahit sino. Yan po ay pupwede namang ma-kwestyon pagkatapos ng proklamasyon, kahit siya ay nanunungkulan na, sa pamamagitan ng Petition for Quo Warranto,” aniya pa.
Payo ni Garcia, maghain ng petisyon sa regional trial court – “Pwede po habulin lalo na pag ang issue ay citizenship.”
Sa ginanap na pagdinig ng Senado, nagpahayag ng pagkabahala si Hontiveros sa tunay na pagkatao ng mayor na usap-usapang espiya ng China.
