SA ilalim ng tinatawag na “digital age,” isa nang ganap na karapatan ng bawat Pilipino ang pagkakaroon ng matinong internet connectivity saan mang panig ng bansa — bagay na ayon kay Leyte Rep. Martin Romualdez ay unti-unti nang naisakatuparan ng pamahalaan sa ilalim ng National Fiber Backbone (NFB) project.
Kasabay ng paglulunsad ng Phase 2 at 3 ng NFB sa bayan ng Palo sa lalawigan ng Leyte, lubos na ikinalugod ni Romualdez ang determinasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paabutin sa kanayunan ang mabilis at maaasahang internet connection.
Higit pa aniya sa internet connectivity ang hangad ng administrasyon.
“This launch shows we are serious about bringing dependable connections to people who have waited far too long,” wika ng Leyte congressman na tumayong Speakers ng Kamara sa ilalim ng 19th Congress.
Personal na sinamahan ni Romualdez si Marcos at iba pang government officials sa paglulunsad ng nasabing programa sa The Tropics in McArthur Park Hotel in Palo ngayong araw.
Sa pagsipa ng NFB, target ng administrasyon “idugtong” sa unang bahagi ng proyekto ang nasa 1,000 government offices, 20 provinces, at mapabuti ang access para sa tinatayang 1.39 million users.
Sa ngayon aniya, ang internet access ay hindi na luho kundi isa nang mahalagang pangangailangan sa pang-araw na buhay ng bawat pamilyang Pilipino.
“Walang pamilya ang dapat maiwan. Ang koneksyon sa internet ay hindi na dapat ituring na pribilehiyo—isa na po itong karapatang kailangang maabot ng bawat tahanan,” giit pa niya.
“Hindi lang ito tungkol sa bilis ng internet. Mas mahalaga, mapapadali ang pag-access ng mga pamilya sa serbisyo ng gobyerno, makakapag-aral nang tuloy-tuloy ang mga estudyante saan mang panig ng bansa, at magkaroon ng mas malaking pagkakataon ang maliliit na negosyo para lumago at makipagsabayan.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
