SA kabila ng batas na mahigpit nagbabawal sa pambabarako sa paaralan, patuloy ang pamamayagpag ng mga tinaguriang ‘siga’ sa mga eskwelahan, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.
Katunayan aniya, tumaas ang bilang ng insidente ng bullying sa loob ng mga institusyong dapat sana’y humuhubog sa mga kabataan.
“Bullying incidents have gone up,” wika ni Angara sa isang panayam sa telebisyon, kasabay ng giit na matabang ang implementasyon ng Republic Act 10627 (Anti Bullying Act of 2013).
Higit na ikinaalarma ni Angara ang pagdami ng kaso ng mga pananakit sa mga estudyante – bagay na aniya’y naiwasan kung inilatag sa mga paaralan ang child protection committee na ang trabaho ay tumugon sa mga insidente ng bullying sa mga eskwelahan.
Bilang tugon, inatasan ng Kalihim ang mga nangangasiwa ng mga pampublikong paaralan na agad na umakiyon sa mga reklamo at hanapin ang mga estudyanteng biktima.
“Despite the law being there for over a decade, not all schools are implementing it. That’s why we’re really focusing now on making sure every public school has a committee in place to deal with this.” (JIMMYLYN VELASCO)
