Matapos ang 27 taon, tuluyan nang hinatulan ng Sandiganbayan ang isa sa tatlong akusado sa likod ng kontrobersyal na textbook scam sa ilalim ng administrasyon ng yumaong President Fidel V. Ramos.
Sa desisyon ng Sandiganbayan Second Division, pinatawan ng 10 taong pagkabilanggo si Mary Ann Maslog, na una nang nakaiwas sa sentensya matapos palabasin ang kanyang pagpanaw.
Taong 1998 nang sampahan ng kaso si Maslog, kasama ang dalawa pang iba – sina Emilia Aranas at Ernesto Guiang, na ayon sa korte ay nagsabwatan at nameke ng mga dokumento sa pagnanais makasingil sa Department of Budget and Management (DBM) para di umano sa mga aklat na idineliver sa mga pampublikong paaralan.
Taong 2020 nang sentensyahan sina Aranas at Guiang ng 10 taong pagkakakulong. Hindi kasama si hatol si Maslog na napaulat na pumanaw noong 2019.
Buwan ng Setyembre ng nakalipas na taon nang mabisto ng National Bureau of Investigation (NBI) na buhay pa pala si Maslog matapos tumugma ang fingerprint ng nagpakilalang Jessica Francisco na nakulong naman para sa kahalintulad na modus.
