MISTULANG kendi lang ang estilo ngayon sa pag-iskor ng droga, ayon kay former Philippine National Police (PNP) chief at reelectionist Sen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay dela Rosa, mismong mga opisyal ng barangay at ilan pang residente ng iba’t-ibang komunidad ang nagpahayag ng pangamba hinggil sa aniya’y lumalalang problema sa ilegal na droga.
Paglalarawan pa umano ng mga makausap na residente mula sa iba’t ibang panig ng bansa, laganap na naman ang pagtutulak ng droga – “para ka lang bumibili ng candy.”
Para kay dela Rosa, hindi dapat masayang ang pagsisikap ng dating administrasyon.
“Ang daming tao na nagsasabi na nagpapasalamat sila sa war on drugs (ni former President Rodrigo Duterte) dahil safe na yung kanilang environment. So, for us, it’s a great success,” wika ng dating hepe ng PNP.
“Malala! Tanungin mo ang mga barangay kapitan, pumunta ka. Pumunta ka do’n sa ground… wala kang maririnig na barangay kapitan na magsabi na, ‘Sir, okay ang aming sitwasyon sa drugs. Perfect na, wala nang problema,'” dugtong ng Mindanaoan lawmaker.
“Halos lahat magsasabi sa’yo [kahit] hindi nga natin tinatanong eh, lalapit sa atin at magsusumbong. ‘Sir, andiyan na naman sila, Sir, nagkakalat na naman. Noon nagsipag layasan yan, nagtago. Ngayon, andiyan nanaman, parang candy na naman na binebenta yung droga sa kalsada,'” pagpapatuloy ni dela Rosa.
Ibinida rin ni dela Rosa ang nasa halos 1.6 milyong indibidwal na sangkot sa droga ang sumuko habang nasa 300,000 naman ang naaresto, sa ilalim ng nakalipas na administrasyon..
Giit ng senador, ang Duterte drug war ay sinigurong mahigpit na maipatutupad para na rin protektahan ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon at hindi siya nagsisisi na maging pangunahing tagapagpatupad ng ‘Oplan Tokhang’.
“Kaya namin ginawa ni Pangulong Duterte yon dahil mahal na mahal namin ang kabataan, na maisalba ang kabataan sa problema sa ilegal na droga. Kung wala akong pakialam… anong pakialam ko, Chief PNP ako, after niyan, mag-retire ako, may retirement ako, bakit pa ako papasok sa problema? Dahil iniisip namin ang future generation ng Pilipinas,” dugtong ng former top cop.
Samantala, pinagdiinan ni dela Rosa ang pangangailangan ng matibay na suporta mula sa punong ehekutibo ang mga law enforcer sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga.
“Huwag tayong pa petiks-petiks lang, dapat seryosohin natin. At pag tinatanong ko ang mga kapulisan ngayon, sila, they’re willing to bet their life diyan sa giyera ng droga provided na may back up sa Malacanang,” aniya pa.
“Noong panahon ni Pangulong Duterte, ‘Sige, go ahead. Upakan niyo yung problema sa droga. Kapag kayo’y nagkaproblema in line of duty, sagot ko kayo! Pero pag kayo naman ang nag-abuso, kayo ang mananagot sa akin,’ sabi ni Pangulong Duterte. So gano’n po ang treatment natin,” dagdag pa niya.
Bilang hepe ng PNP mula 2016 hanggang 2018 o sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte, si dela Rosa ang namuno sa implementasyon ng kampanya ng pamahalaan laban sa kalakalan ng droga sa bansa.
