“HOUSE is one, the House is solid, and there’s no change in the leadership.”
Ito ang pahayag ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V bilang pagtitiyak na walang anumang pagbabagong magaganap sa liderato ng Kamara lalo pa aniya’t nananatiling solido ang suporta ng malaking bilang mga kongresista kay House Speaker Martin Romualdez.
“There is no change of leadership,” wika ni Ortega nang tanungin ng mga mamamahayag sa isang ambush interview kung may mga tangkang patalsikin si Romualdez bilang Speaker.
“As you can see, nagkakaisa po ang House of Representatives. Nandun po lahat ng party leaders, nandun po ang aming Majority Floor Leader [Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos], nandun po si Speaker at mga ibang Deputy Speakers,” dagdag ng La Union solon kaugnay ng huling pagtitipon ng mga House political leaders.
Kabilang sa mga dumalo ang mga opisyal ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at Party-List Foundation Inc. (PCFI).
Sa tanong kung maituturing na panibagong pahayag ng suporta para sa Speaker ang naturang meeting, binigyang-diin ni Ortega na sapat na ang mga kilos at larawan upang ipakita ang pagkakaisa sa Kamara.
“I think the photo will speak for itself na kitang-kita ng tao yung suporta ng House of Representatives saka Party Leaders,” aniya pa.
Mariin namang itinanggi ng Deputy Speaker ang mga espekulasyon na pagkakaroon umano ng hidwaan sa Kamara.
“Well, maraming tsismis pero sabi ko nga, tsismis. Mga bulong-bulong. Pero as you can see, the House is one, the House is solid, and there’s no change in the leadership,” sabi pa niya.
Ani Ortega, bagama’t may mga usap-usapan sa pagpapalit ng House Speaker, wala namang konkretong ebidensya na nagpapatunay na may humahamon para sa naturang posisyon.
“Sabi-sabi lang ng mga ibang members, pero nothing concrete. Parang nag-start po ito before pa ng 20th Congress. Same na mga parang sentiments. Well, most of them were using the name of the bosses, kung sinu-sinong pangalan ang ginagamit. Pero sabi ko nga, pag hearsay mahirap maniwala.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
