PARA kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, napapanahon nang buwagin ang Sangguniang Kabataan sa istruktura ng pamahalaan.
Katwiran ni Remulla, lubhang napapabayaan ng mga halal na lider kabataan ang mandatong kalakip ng pwesto sa SK.
Partikular na tinukoy ng DILG chief ang umano’y madalas na pagliban ng SK chairman at ag aniya’y mababang antas partisipasyon ng mga SK kagawad.
Sa pagdinig ng Kamara sa hirit na 2026 budget ng DILG, ibinahagi ni Remulla ang datos ng pagdalo sa unang taon ng panunungkulan ng mga opisyales ng SK sa mga pagpupulong. Aniya, anim lang sa kada 10 SK officials ang regular na sumisipot sa sesyon, pulong at iba pang opisyal na pagtitipon kaugnay ng mga usapin sa sektor ng kabataan.
Sa ikalawang taon bilang halal na opisyal ng SK, mas bumaba pa umano ang aktibo sa SK.
“Those absences lead the barangay captain to impose his will on the council,” aniya.
Sinisi naman ng Kalihim ang pagpapalawig ng edad sa mga pwede kumandidato bilang chairman at kagawad ng SK.
Paliwanag ni Remulla, abala na ang karamihan ng mga halal na lider kabataan sa trabaho, kolehiyo, o pag-aasawa. “Dahil dito, kadalasang inaako ng mga barangay captain ang tungkulin ng SK at nagiging pirmahan na lang ang papel ng mga kabataan.”
Wala rin aniyang mekanismo para palitan ang mga hindi gumaganap na SK officials.
“If I were to make a personal recommendation, I would rather that the SK be abolished because of the trend that it continuously goes down in participation,” wika ni Remulla. (LILY REYES)
