
Ni ESTONG REYES
MATAPOS malaglag sa pwesto bilang Senate President, inamin ni Senador Juan Miguel Zubiri na isang bonggang demolition job ang ikinasa para sirain ang kanyang pagkatao sa paraan ng pagkakalat ng mga aniya’y malisyosong balita gamit ang social media.
Para kay Zubiri, malinaw na black propaganda ang mga video na kumakalat sa social media kung saan sinasabing nakapagpundar ng private jet, beach properties at bonggang mansyon sa Forbes Park sa Makati City gamit ang salaping katas di umano ng katiwalian.
“It’s an obvious attempt to discredit my leadership and taint my name. And they’re funneling huge amounts of money into this campaign – from production to promotion,” galit na pahayag ni Zubiri.
Banta ng senador, sasampahan ng kasong kriminal ang mga tinawag niyang bayarang propagandista.
“So to whoever’s spreading these lies to make it look like I’m pocketing government money to buy mansions and jets, these are totally false. I hope they’re ready because I will be filing cases and will not stop until justice prevails,” dugtong ng mambabatas.
Saad sa kumalat na video ang mga larawan ng isang bahay sa Forbes Park, mga private jets, helicopter at isang malawak na beach resort sa lalawigan ng Camiguin.
“Walang katotohanan ‘yan,” diin ng senador.
Gayunpaman, aminado si Zubiri na nakapapundar siya ng beach property sa Camiguin – bagay na nakatala naman aniya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
“This is not a private hideaway, and you can find the property in my SALN,” giit ni Zubiri.
Itinanggi ng senador na meron siyang private jet, bagamat may ginagamit umano siyang sasakyang panghimpapawid na kanyang hinihiram sa dami ng kanyang kailangan daluhan sa panahong lider pa siya ng Senado.
Sa balita hinggil sa Forbes Park mansion, naglabas ng hamon ang senador – “Kapag may nakita kayong mansyon sa Forbes Park at napatunayan niyong sa akin, sa inyo na.”
Ayon kay Zubiri, malakihang proyekto ang demolition job laban sa kanya. Hindi naman tinukoy ng senador kung sino ang nasa likod ng tinawag niyang black propaganda.