PORMAL na sisimulan bukas (Miyerkules, Marso 25) ng House Justice Committee ang tinaguriang “mini-trial” sa dalawang impeachment complaints na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Sa hudyat ng alas-10:00 ng umaga, pormal na bubuksan ni committee chairperson at Batangas 2nd district Rep. Gerville Luistro ang impeachment proceedings na idaraos sa People’s Center ng mababang kapulungan.
Ayon kay Luistro, unang tatalakayin ang pagbalangkas ng “ground rules,” pagpapasya sa mga pangunahing mosyong idinulog sa komite, pagdinig sa panig ng mga complainant at presentasyon ng mga ebidensya.
“If the complainants are ready, we can actually proceed to presentation of evidence and witnesses. Prosecutors kami dito, so ang mga justice member ang mag-aaral ng lahat ng ebidensyang ilalatag ng complainant at ng respondent,” dagdag pa ng lady House panel head.
Una nang kinatigan ng Justice panel ang pagdinig sa third impeachment complaint na inihain ni Rev. Fr. Joel Saballa (at inindorso ni ML partylist Rep. Leila de Lima) gayundin ang fourth complaint na isinampa naman ni Atty. Nathaniel Cabrera (na inindorso naman nina Manila Rep. Bienvenido Abante at Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V).
Kabilang sa mga mosyon na diringgin ng komite ang kahilingan magpalabas ng subpoena sa mga dokumentong gagamiting ebidensya laban sa bise presidente at ang protective custody ng komite kay Ramil Madriaga – isang material witness laban sa pangalawang pangulo.
Paalala ni Luistro, mahigpit na susundin ng komite ang mga itinakdang panuntunan kabilang ang paglilimita lamang sa committee members sa mga papayagan mag-cross-examination sa mga witness.
Samantala, sinabi rin ni Luistro na mananatiling bukas ang kanilang pinto para sa bise-presidente sa kabuuan ng kanilang impeachment proceedings.
“Wala tayo nare-receive about the possibility of the Vice President attending our hearing tomorrow. Hangga’t hindi nakatapos yung hearing proper, we will keep on sending invitations to her so that at any point of the entire hearing proper she can actually come,” ayon pa sa Batangas solon.
Iginiit din niya ang ang hearing proper ay mahalagang yugto para sa dalawang panig na mailatag ang kani-kanilang ebidensya at nagbibigay ng pagkakataon para kay Duterte na direktang sagutin ang mga alegasyon sa kanya.
“It should be the parties themselves who should lay down their respective evidence. If you’re claiming innocence, you should take advantage of all opportunities to prove your innocence.”
