Ni ESTONG REYES
PARANG bakasyon lang ang panahong inilagi ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) intelligence agent Jonathan Morales sa Senate custodial facility matapos palayain sa bisa ng basbas ni Senador Jinggoy Estrada.
Bukod kay Morales, laya na rin sa pagkakakulong si Eric “Pikoy” Santiago na dating kawani ng National Police Commission (Napolcom).
Ayon kay Senate Sergeant-At-Arms Roberto Ancan, Miyerkules pa ng gabi nang palabasin sa Senate detention sina Morales at Santiago na kapwa nakulong matapos i-cite for contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay ng imbestigasyon sa kontrobersyal na “PDEA Leaks” kung saan dawit ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa droga.
Gayunpaman, nilinaw ni Ancan na kinausap muna ni Estrada si Morales sa loob ng selda bago pinalaya.
Hindi naman sinabi ng Senate official ang detalye ng naging usapan sa pagitan nina Estrada at Morales.
Pag-amin ni Senate President Francis Escudero, nakiusap naman aniya sa kanya si Senador Ronald dela Rosa na palayain din si Santiago.
Magugunitang ipinag-uto ni dela Rosa ikulong sina Morales at Santiago matapos mabisto ang pagsisinungaling sa pagdinig ng komite sa isyu ng PDEA Leaks.
