Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Nancy Binay, nakakatawa ang palusot ng mambabatas na punong dahilan kung bakit nalaglag sa pwesto si dating Senate President Juan Miguel Zubiri.
Partikular na tinukoy ni Binay ang pahayag ni Senador Ronald dela Rosa na nagsabing ang pananabla Zubiri sa hiling na payagan si Senador Bong Revilla sa hirit na pagdalo gamit ang online platform dahil sa iniindang achilles tendon injury.
“Medyo weird lang kasing isipin na sa dinami-rami ng conspiracy theories na nagsilabasan sa likod ng Senate coup, isang paa lang pala ang dahilan kung bakit nasipa at natanggal sa pwesto si Sen. Migz. So, ganoon na nga, the best or worse interest of the nation is just a foot away,” patutsada ni Binay.
Sa sesyon ng Senado noong nagdaang linggo, hiniling nina Senador Francis Tolentino at Senate President Francis Escudero na payagan si Revilla na lumahok sa session gamit ang internet. Gayunpaman, hindi pinagbigyan ni Zubiri ang kahilingan ng dalawang mambabatas.
Pasaring pa ni Binay na miyembro ng tinaguriang Magic 7 na binubuo ng mga senador na kaalyado ni Zubiri, sadyang kakaiba ang politika sa Pilipinas kung saan higit na mabisa ang tinawag niyang “kicking power” kesa sa “people power.”
“Kung yung paa ang dahilan ng pagkatanggal sa pwesto ni Sen. Migz, masasabi natin that they have really put their best foot forward. If a sore foot can inspire such decisive action, just imagine what a fully functioning pair of feet could do. But for now, the foot has spoken. Sama-sama para sa paa ni Sen. Bong Revilla,” pang-aasar ni Binay kay dela Rosa.
