HINDI umubra kay former President Rodrigo Duterte ang tangka ng isang partylist congressman na pilit na iniuugnay ang confidential fund sa reward system na kalakip ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Partikular na sinopla ni Duterte si Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel sa tanong kung sa confidential funds ba ng Office of the President hinugot ang salaping pinamudmod sa mga pulis na kasali sa anti-drug operations.
Tugon ni Duterte — “Kaya tinawag yan, Sir, ng intelligence fund na confidential. Kaya huwag kang magtanong kung anong confidential ginawa ko.”
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad comm sa extrajudicial killings at kalakalan ng droga sa panahon ng pamumuno ni Duterte sa bansa, inamin ng dating pangulo na bahagi ng pondo para sa anti-illegal drug operation napupunta sa mga operatiba.
Gayunpaman, nilinaw ni Duterte na nagkakaroon lang ng partihan ng pera ang mga pulis sa tuwing may lalabis sa pondong inilaan para sa anti-drug operation.
“So I give you P20,000 magamit nila yan. Pag may sobra nyan magsabi sila ‘sir hindi naubos’, magsoli sila. May sobra dito sir, ilan kalahati sabihin ko inyo na yan. Reward. Correct very correct. At minsan bigyan ko pa dagdag,” wika ng dating pangulo.
Giit ni Duterte, karaniwan na ang reward system sa pamahalaan. Katunayan aniya, hindi lang siya ang naglalaan ng pabuya sa tuwing tagumpay ang operasyon kontra droga.
“Yung reward system ganito yan, lahat ng governors pati mayor ginagawa yan.”
Bukod sa gantimpala, aminado rin ang dating pangulo sa alegasyong tanim-ebidensya na aniya’y bahagi ng estratehiya sa kampanya laban sa droga.
“Well, that was a part of the strategy as a mayor and as the leader of a law enforcement agency in the city.”
