NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PORMAL na lumiham sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamunuan ng quad committee para tugisin ang mga vloggers na di umano’y pinopondohan ng mga sindikato para durugin ang Kamara.
Hirit ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong lead chair ng House Quad Committee kay NBI Director Jaime Santiago, tuntunin at siyasatin ang mga vloggers na aniya’y binabayaran ng mga sindikato sa likod ng illegal POGO at drug mafia na nasagasaan sa pagdinig ng Kamara.
Ayon kay Barbers, pinapakilos ng mga sindikato ang mga vloggers para durugin ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon ng quad committee. Target din aniya wasakin ang kredibilidad ng mga kongresista.
Paglilinaw ng quad comm lead chair, tanggap ng mga kongresista ang batikos at puna lalo pa’t malaking kontrobersiya ang sinisiyasat ng Kamara. Gayunpaman, hindi naman aniya dapat palampasin ang pagkakalat ng kasinungalingan ng mga bayarang vloggers para lamang sirain ang mga miyembro ng quad comm.
Kalakip ng liham ni Barbers sa NBI ang mga paunang ebidensya kabilang ang kumalat na balitang kumaladkad sa kapatid at maging sa kanyang pangalan sa kalakalan ng droga.
“Very obvious na well-organized at bayaran ang mga vloggers na ito na gustong sirain ang pangalan ko, ng kapatid ko, at mga quad comm members. Sabi nila, ito yung mga bayarang grupo ng tagakalat ng kasinungalingan. Siguro nasasaktan na ang kanilang mga employers na POGO operators at drug lords dahil sa patuloy na imbestigasyon ng quad comm.”
Sa sandaling makumpleto ang ebidensya, naniniwala si Barbers na pasok ang mga vloggers sa kasong paglabag ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Subject to the appreciation of your good office, these charges may include the crimes of Libel (Art. 353 RPC), Sedition (Art. 139 RPC), Conspiracy to Commit Sedition (Art. 142 of RPC). Incriminating Innocent Person Act (Art. 363 RPC) and Intriguing Against Honor (Art. 364 RPC) – all in relation to Sec. 6 of the Cybercrime Prevention Act.”
