Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASTIGO-MAYOR ang inabot ni National Food Authority (NFA) administrator Roderico Bioco kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo bunsod ng aniya’y naganap na ‘mekus-mekus’ sa likod ng maanomalyang transaksyon sa pagitan ng naturang ahensya at piling negosyante.
Bukod kay Bioco, sapul din sa batikos ni Tulfo ang ilang opisyal ng Commission on Audit (COA) na aniya’y mistulang pikit-mata sa bulilyasong pagbebenta ng 75,000 sako ng bigas sa halagang P93.75 million – o katumbas na P25 kada kilo.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni Quezon 1st Dist. Rep. Mark Enverga, binalaan ni Tulfo si Bioco na iko-contempt sakaling magsinungaling sa pagharap sa Congressional inquiry.
“Sa tingin ko may plano talaga na i-hokus pokus ito, i-mekus-mekus itong mga stock na ito para ibenta sa mga pribadong korporasyon,” galit na sabi pa ng ranking House official.
“Yun ang excuse mo kaya mo ibinenta ng P25 per kilo, as is, where is, kasi malapit na kasi mabulok kaya niyo ibinenta?,” pasaring ni Tulfo sa NFA official.
Nadismaya ang ACT-CIS partylist solon matapos aminin ni Bioco na walang naganap na bidding para sa naturang pagbebenta ng bigas sa dalawang commercial trader.
Diin ni Tulfo, noong Nobyembre hanggang Disyembre ng nakaraang taon ay panay ang ikot ng House leadership, sa pangunguna mismo ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga pribadong warehouse para tugisin ang mga hoarder at profiteer bunsod na rin sa daing ng mga mamamayan sa pagsipa sa presyo ng bigas, na umabot ng P70 kada kilo.
“Ang tao nagugutom, napakamahal ng bigas sa mga oras na ‘yun ang presyo ng bigas umabot sa P70 (per kilo), meron pala kayong bigas na ganun. Bakit hindi nyo na lang sinabihan ang gobyerno na meron kayong bigas?” galit na sabi ni Tulfo.
“Talagang gumawa sila ng ‘hokus-pokus’ para magic-in ito. Akala makakalimutan,” patutsada pa ng kongresista.
Kinuwestyon din ng mambabatas ang NFA kung bakit ibinenta ang rice buffer sa pribadong kumpanya sa halip na ibigay ito sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung saan mas kailangan ang mga stock ng bigas.
Samantala, kinastigo rin ni Tulfo ang Commission on Audit (COA), partikular ang resident auditor ng NFA dahil hindi umano nito nagawa ang kanilang tungkulin na bantayan ang mga transaksyon sa ahensya.
“Bakit hindi niyo alam ang nangyayari, bakit hindi niyo alam ito? It looks like you’re not doing your job. Baka po kayo ay tulog lang o baka po kayo ay nakapikit lang at nakapiring ang mata,’ ayon pa sa kongresista.
