LIMANG taon ang nakalipas mula nang sampahan ng patong-patong na kaso kaugnay ng tangkang pagpuslit ng limpak-limpak na salapi sa Estados Unidos, muling binuhay ng isang huwes na nakabase sa California ang kaso ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa kalatas ni Central District of California Judge Terry Hatter Jr., iniutos ang muling pagbubukas ng mandamiento de arresto laban kay Quiboloy at iba pang kapwa akusado.
Gayunpaman, nilinaw ni Hatter bukod sa bulk cash smuggling, nahaharap din si Quiboloy iba pang asunto kabilang ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children at conspiracy,
Bago pa man lumabas ang direktiba ni Hatter, hiniling ng United States Attorney Criminal Division ang tinaguriang “unsealing” sa warrant of arrest para bigyang-daan ang extradition process ng US Department of Justice kay Quiboloy.
Bukod kay Quiboloy, pasok din sa talaan ng mga akusado sina Helen Panilag at Teresita Tolibas Dandan na kasama ni Quiboloy sa wanted list na inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay ng mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion; sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud at coercion.
Pebrero 2018 nang dakpin sa Hawaii si Quiboloy, Guia Cabactulan, Marissa Duenas, Amanda Estopare, Felina Salinas at Bettina Padilla Roces na pawang kinasuhan ng bulk cash smuggling matapos tumambad sa US Customs and Border enforcement agents ang limpak-limpak na salapi at mga armas sa private jet ni Quiboloy.
Todo-tanggi si Quiboloy sa lahat ng alegasyong aniya’y bunga ng pakikipagsabwatan ng Estados Unidos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta. Giit pa ni Quiboloy, kasabwat si Marcos sa planong pagpatay sa kanya.
Kamakailan lang sinampahan na rin ng kaso ng Department of Justice (DOJ) si Quiboloy para sa pangmomolestya ng mga menor de edad, paglabag sa Republic Act 7610 (Anti-Child Abuse Law) at qualified trafficking.
Pirmado na rin ang hold departure order laban sa kontrobersyal na pastor.
