Ni Lily Reyes
INIHAYAG ng Land Transportation Office (LTO) na luluwagan ang pagpapatupad ng “no registration, no travel” policy ngayong holiday season.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, batay na rin sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista, inatasan niya ang kanyang mga tauhan na iwasan muna na mag-impound ng hindi rehistradong mga sasakyan at bigyan ang mga ito na pagkakataon na makapagrehistro.
Ayon pa rin dito, mabigat para sa mga motorista ang dagdag na babayarang P10,000 kapag na-impound ang kanilang sasakyan.
Muli naman umanong ipatutupad ang patakaran sa Enero sa susunod na taon.
Nabatid na humigit-kumulang sa 24.7 milyon o 67 porsyento ng mga sasakyan ang nairekord bilang delingkwente.
Pinayuhan ng LTO chief ang ‘delinquent motor vehicles’ na magtabi ng bahagi ng kanilang 13th month pay at mga bonus para i-renew ang registration ng kanilang sasakyan.