DALAWANG kaso ng murder ang kakaharapin ngayon ng pulis na inaresto sa operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Rizal nitong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang dinakip na si P/Staff Master Sergeant Redentu Alinao, isang aktibong PNP member na nakatalaga sa Quick Reaction Platoon Section, Camp Security and Escort Unit, Headquarters Support Service sa Camp Crame, Quezon City.
Sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, dakong alas-11:40 ng gabi nang maaresto ang akusado sa Barangay Guitnang Bayan 1, San Mateo. Siya ay dinakip ng tracker team ng San Mateo Municipal Police katuwang ang mga personnel ng SDIT, RIU-NCR Intelligence Group at CID Intelligence Group sa isinagawang operasyon laban sa mga wanted persons.
Hindi na nakapalag si Alinao nang silbihan ng warrant of arrest dahil sa kasong 2-counts ng murder na kinakakaharap sa sala ni Hon. Clarisa Dao, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 174, San Mateo, Rizal.
Ayon kay Lt. Col. Rodolfo Santiago, San Mateo police chief, hindi na pumalag pa si Alinao nang arestuhin.
Walang piyansa na inirekomenda ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Alinao.