
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa mga miyembro ng Kamara, isang hayagang katampalasan ang ipinamalas ng limang Chinese nationals sa patuloy na pagtanggi humarap sa congressional inquiry kaugnay ng P3.6-bilyong halaga ng drogang tumambad sa isang bodega sa Mexico, Pampanga noong Setyembre ng nakalipas na taon.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Illegal Drugs, si suspected drug lord Willie Ong at apat na iba pang Chinese realty traders.
Garantiya ni Barbers, maglalabas ng mandamiento de arresto ang komite laban kina Ong at apat na iba pang Tsino.
“This committee has been very patient with you but we have certain limitations. Those who were issued subpoenas yet still failed to attend are now being cited in contempt. The necessary warrants will be issued for their arrests in accordance with the Rules of the House,” wika ng Mindanao lawmaker.
“Others not yet cited in contempt are given this last warning. If in the next hearing you will still be absent, we have no choice but to cite you in contempt,” dugtong niya.
Paalala ni Barbers, sa ilalim ng Philippine Constitution, ang Kongreso ay may kapangyarihan magsagawa ng “investigation in aid of legislation” sa hangaring bigyang-linaw ang mga mahalagang usapin sa lipunan.
“This power carries with it the power of citing any of these persons in contempt should they fail to honor the invitations,” dagdag ng Surigao del Norte solon.
Si Ong, na may Chinese name na Cai Qimeng, ay co-owner ng Empire 999 Realty Corporation at kinilala naman ang mga associate na nahaharap din sa warrant of arrest, na sina Aedy T. Yang, Elaine Chua, Michelle S. Sy at Jack T. Yang.
Base sa official records na isinumite ng Land Registration Authority (LRA) sa komite ni Barbers, lumalabas na ang Empire 999 sa ilalim ng pamamahala ni Ong ay nakabili ng nasa 320 titled prime lots sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
“Napaka hiwaga ng kumpanyang ito ni Willie Ong. Walang bank records o money trail sa kanilang mga transaksyon. Pati ang pagtatayo ng kanilang mga buildings at mga warehouses ay di ma-trace kung saan galing ang ginamit na pera. Malamang laundered money at cash basis ang ginawa nila sa kanilang mga transaksyon,” ani Barbers.
“The Chinese incorporators of Empire 999 were able to secure fake documents like birth certificates and passports which they used to illegally buy 320 titled prime lands in various parts of Central Luzon, particularly in Pampanga, in Metro Manila, and other parts of the country,” pahabol ng kongresista.