Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MULING umarangkada Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Caraga region kung saan hindi bababa sa P560 milyong halaga ang tulong at serbisyo ang ibinuhos ng administrasyon sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez ang ika-20 pasada ng BPSF – sa lalawigan ng Surigao del Sur, kung saan aniya mahigit 90,000 benepisyaryo ang hinandugan ng tulong pinansyal, bukod pa sa serbisyong kalakip sa naturang programa ng gobyerno.
Sa pangunguna ni Romualdez, pinangunahan ang implementasyon ng 14 na programa ng 10 ahensya sa De La Salle John Bosco College – Open Field sa lungsod ng Bislig, Surigao del Sur.
“Masaya po tayo’t nakaulayaw natin ang mga Surigaonon sa ating BPSF sa Surigao del Sur para ipaalala sa kanila at iparamdam na ang gobyerno na ni Pangulong Bongbong Marcos ang lumalapit sa kanila para magserbisyo, magpatupad ng iba’t-ibang programa at ilapit ang tulong sa mga nangangailangan,” pambungad na pahayag ni Romualdez.
“Ito ang sagot natin sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ilapit ang pamahalaan sa mga mamamayan. Ngayon, ang pamahalaan na ang lumalapit sa mamamayan at naglilingkod sa abot ng aming makakaya,” wika ng lider ng Kamara.
“Mahal ni Pangulong Marcos Jr. ang Mindanao, at ang patuloy na pagsasagawa ng BPSF sa mga lalawigan dito ay patunay na hindi maiiwan sa programa at serbisyo ang ating mga kapatid na taga-Mindanao,” paglalahad pa ng Leyte lawmaker.
Ipinabatid naman ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr., isa sa mga pinuno ng BPSF National Secretariat, na ang BPSF sa Surigao del Sur ang ika-20 yugto ng Service Caravan sa buong Pilipinas.
“It is the second in CARAGA Region after Agusan del Norte, and the 9th in the whole of Mindanao with Zamboanga City, Bukidnon, Agusan del Norte, Sultan Kudarat, Davao de Oro and Tawi-Tawi,” ani Gabonada.
“This brings the BPSF in Mindanao to almost half of all the Service Caravans held throughout the country,” dagdag pa niya.
Nagsilbing local host ng BPSF Surigao del Sur sina Rep. Johnny T. Pimentel at Gov. Alexander “Ayec” T. Pimentel. Nasa 70 miyembro naman ng Kamara ang nakibahagi sa dalawang araw na Service Caravan kung saan umabot sa P560 milyon ang binuhos ng pamahalaan.
Sa naturang halaga, P244 milyon ang tulong pinansyal.
Ang DSWD ay magsasagawa ng mga payout sa lalawigan para ibahagi sa may 64,000 benepisyaryo ang P216 milyong halaga ng tulong.
Kasama rin sa aktibidad ang pamamahagi ng scholarship programs ng CHED at TESDA na may dala ring tulong pangkabuhayan sa mga natukoy na benepisyaryo sa buong lalawigan ng Surigao del Sur.
Bilang patotoo sa bansag na “Mr. Rice,” pinangunahan ni Speaker Romualdez ang distribusyon ng 95,000 kilo ng bigas sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa probinsya.
“Hindi na mawawala ang distribution ng bigas sa ating mga BPSF dahil naniniwala tayo na ang bigas ay buhay. Ginagawa ng inyong pamahalaan ang lahat para mapababa ang presyo ng bigas para sa ating mga pamilyang Pilipino,” wika ni Speaker Romualdez.
Isang libreng Pagkakaisa Concert din ang idaraos sa Bislig City Baywalk gabi ng Biyernes kung saan nasa 10,000 indibidwal ang inaasahang dadalo.
