SA kabila ng sumambulat na eskandalo sa mga flood-control projects ng pamahalaan, nanindigan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na kailangan pa rin ituloy ng gobyerno ang mga programang magbibigay solusyon sa taunang problema sa pagbaha.
Gayunpaman, nilinaw ni DPWH Secretary Vince Dizon na hindi lahat ng solusyon sa baha ay nangangailangan ng malaking pera.
Sa halip na imprastraktura, tututukan aniya ng DPWH ang paglilinis, dredging at desilting ng mga ilog, kanal, at iba pang daluyan ng tubig sa mga flood-prone areas upang maibsan ang pagbaha.
Garantiya ni Dizon, hindi titigil ang mga hakbang ng gobyerno hangga’t hindi natutugunan ang problema sa pagbaha.
Ayon sa Kalihim, mahigpit ang tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — paigtingin at palawigin ang programa bilang paghahanda sa paparating na tag-ulan.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapalawak ng mga ilog, pagtatayo ng retention ponds at muling pagbubukas ng mga cut-off channels, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor. (JULIET PACOT)
