SA dami ng mga mambabatas na idinadawit sa malawakang katiwalian sa pamahalaan, isang dating opisyal ng gobyerno ang nanawagan para sa agarang pagbuwag ng Senado at Kamara de Representantes.
Sa isang position paper, iminungkahi ni dating Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director Rabindranath Quilala ang paglusaw sa posisyon bilang senador at congressman, gayundin ang mga bokal sa lalawigan at mga konsehal sa lungsod at munisipalidad.
Para kay Quilala, malaking kabawasan sa gastusin ng pamahalaan ang naturang hakbang, kasabay ng giit sa bentahe kontra katiwalian.
Sa ilalim aniya ng umiiral na multi-tiered legislative system, masyadong mataas na gastusin, dobleng proseso, mabagal na paggawa ng batas, at posibilidad ng katiwalian.
Sa pagtataya ni Quilala, papalo mula P355 bilyon hanggang P575 bilyon ang direktang matitipid ng gobyerno kada taon mula sa pagbuwag ng pambansa at lokal na lehislatura.
Nasa isang trilyong piso naman umano ang “indirect savings” kapag tuluyan nang matanggal sa sistema ang political patronage.
Sa ilalim ng mungkahi ni Quilala, papalitan ang Senado at Kamara ng isang National Legislative Assembly, na bubuuin ng lahat ng gobernador ng probinsya at mayor ng Highly Urbanized Cities, na sabay pa ring gaganap bilang lokal na ehekutibo sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa antas ng probinsya, ang mga mayor ng munisipyo ang bubuo ng Provincial Legislative Assembly, habang sa lungsod at munisipyo, mga punong barangay ang hahawak sa lokal na lehislatura kung kinakailangan.
Paglilinaw ni Quilala, layunin ng panukala mapabilis ang paggawa ng batas, bawasan ang dobleng proseso, at pataasin ang fiscal efficiency ng pamahalaan, kasabay ng mas malinaw na pananagutan ng mga opisyal sa kanilang nasasakupan.
