TUMATAGINTING na P106.365 bilyon ang inilaan ng pamahalaan ngayong taon ayuda sa hindi bababa sa 4.4 milyong mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.
Sa isang kalatas ng Department of Budget and Management (DBM), ibinida ni Secretary Amenah Pangandaman ang aniya’y mas malaking pondong inilaan ng pamahalaan sa hangaring tulungan ang mga maralitang pamilya.
Sa datos ng DBM, lumalabas na mas malaki ang alokasyon ngayong taon kumpara sa P102.610 bilyon na inilaan para sa taong 2023.
Paliwanag ni Pangandaman, saklaw ng ayuda ang P750 para sa kalusugan, P600 para sa rice subsidy, at P300-P700 para sa edukasyon ng nasa pitong milyong estudyanteng anak ng mga benepisyaryo.
“As directed by President Ferdinand Marcos Jr., we will ensure that 4Ps under the Bagong Pilipinas will be provided with needed funding support as this program serves as a lifeline that bridges dreams to reality for many Filipinos,” ayon sa DBM secretary.
Naniniwala ang kalihim na ang pondo ay pakikinabangan ng mga benepisyaryo bilang bahagi ng adhikain ng gobyerno na matulungan ang mga pinaka-abang sektor ng lipunan.
