DIREKTANG iniugnay ni former Sen. Antonio Trillanes IV kay suspected drug lord Samuel “Sammy” Uy ang nasa kabuuang P181.6 million na pumasok sa bank accounts ni Vice President Sara Duterte at iba pang miyembro ng pamilya.
Sa kanyang isinimuiteng affidavit sa House Committee on Justice, tahasang sinabi rin ni Trillanes na malinaw na mayroong nagawang impeachable offenses ang bise presidente sa pagkakaroon ng koneksyon sa isang drug-linked personality, pagtanggap ng pera mula hinihinalang ilegal na gawain at hindi tamang pagdedeklara ng kanyang yaman.
Ayon kay Trillanes, sa nabanggit na halaga na ibinigay ni Uy, ang bise presidente ay nakabahagi ng P22.3 million; hang pumasok naman umano kay former President Rodrigo Roa Duterte ang P15.6 million; Sebastian Duterte, P51.5 million; Paolo Duterte, P38.8 million; at Cielito S. Avanceña / Veronica Duterte, P53.2 million.
Sinabi rin ng dating Senador na sa hawak niyang mga dokumento, hindi lamang financial transactions ni Sara Duterte ang kanyang nasilip kung saan kasama rin dito ang umano’y payouts at encashments sa ibang miyembro ng Duterte family mula sa nasabing drug lord.
“Batay sa mga nabanggit na records, nalikom ko ang mga sumusunod na mahahalagang impormasyon, na nagpapakita na si Sara Duterte, at ang mga miyembro ng kanyang pamilya, kabilang na ang kanyang ama na si Rodrigo Duterte, ang common-law wife ni Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña, kasama pa ang kanilang anak na si Kitty Duterte, ang mga kapatid niya na sina Pulong Duterte at Baste Duterte, ay tumanggap ng pera o nag-encash ng daan-daang milyong halaga ng mga cashier’s checks at/o mga personal checks mula sa isang kilalang Drug Lord na si Samuel Uy,” ani Trillanes.
“Ang kopya ng ‘summary’ ng mga transaksyon sa bangko na nagpapakita ng mga payout ng kilalang drug lord na si Sammy Uy kina Sara Duterte at sa mga malalapit na miyembro ng kanilang pamilya ay kalakip dito at ginawang bahagi ng Salaysay na ito bilang ANNEX ‘I’,” paglalahad pa niya.
“Si Sammy Uy ay isang kilalang political contributor ni Rodrigo Duterte at kilalang kasama o kasosyo ni Michael Yang, ang dating Economic Adviser ni Rodrigo Duterte, na siya namang iniuugnay sa mga kontrobersya ng Pharmally at POGO, gayundin sa bilyun-bilyong halaga ng mga ilegal na droga na nakumpiska sa isang bodega sa POGO Compound sa Porac, Pampanga,” aniya pa.
Sambit ni Trillanes, “sina Michael Yang at Sammy Uy ay parehong hayagang pinangalanan ni SPO4 Arturo Lascañas na sangkot sa operasyon ng mga laboratoryo ng shabu sa Lungsod ng Davao.”
“Ang mga transaksyong pinansyal ni Sara Duterte at ng mga malapit na miyembro ng kanyang pamilya, na nag-uugnay sa kanya kay Sammy Uy at sa mga tinukoy na personalidad na sangkot sa droga ay lubhang nakababahala, hindi lamang dahil ito ay malinaw na paglabag sa Konstitusyon at sa iba’t ibang batas ng bansa, kundi malinaw din itong naglalagay ng malalim na pagdududa sa kanyang personal na integridad at kakayahan o moral capacity upang patuloy na magsilbi bilang Pangalawang Pangulo ng Republika,” wika pa niya.
“Kaya naniniwala ako na dapat lamang na panagutin siya at litisin siya sa pamamagitan ng impeachment.”
