BUNSOD nang usapin ng ‘confidentiality’ batay sa itinatakda ng National Internal Revenue Code (NIRC), napagpasyahan ng House Committee on Justice na huwag isapubliko ang income tax returns ni Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio.
Sa botong 21 ang pabor at apat ang tumutol, inatas din ni Justice panel chair at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na sa halip na ibalik sa Bureau of Internal Revenue (BIR), mananatili sa komite ang mga ipinrisintang dokumento.
Una rito, ipinaliwanag ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na batay sa isinasaad sa Section 20(a) ng NIRC, pinapayagan ang kawanihan na bigyan ng kopya ang Kongreso ng mga kaukulang impormasyon kabilang ang industry audits, collection performance data, at status reports on criminal actions at taxpayer returns.
Subalit pagdating sa ITR kung saan matutukoy ang partikular na taxpayer, pahihintulutan lamang ang congressional committee na nagsasagawa ng pagdinig ‘in aid of legislation’ na kalkalin ang nasabing dokumento sa isang executive session, o sa bisa ng awtorisasyon mula mismo sa taxpayer.
“Nauunawaan po namin ang kahalagahan ng mga dokumentong isinumite at isinubpoena ng House Committee on Justice. Nauunawaan din namin ang kahalagahan ng proceedings na ito, nagkataon lamang po na maliwanag nakasaad sa batas ang mga limitasyon sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa isang partikular na taxpayer at kami ay obligado na sundin ang batas,” ani Mendoza.
Mayorya ng committee members ang may pananaw na hindi congressional inquiry ang kanilang isinagawa bagkus ay isang impeachment proceedings, at nagbabala na kung bubuksan ang ‘sealed tax records’ mula sa BIR nang hindi masusing pinag-aaral ang implikasyon nito ay maaaring gumawa ng legal na hakbang ang bise-president laban sa kanila.
“If income tax returns were allowed to be discussed openly in impeachment proceedings, “the law would have specified an exemption to include impeachment hearings,” giit ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
“Kung mayroon po sa bank secrecy law na-specify niya mismo na ito ay exemption para sa purpose niya ay impeachment proceeding, kung ganun din po ang intention ng batas na ‘yun na cinite ni commissioner, dapat cinite na po doon. Pero in this case, wala po. Ang sinabi lang po doon ay in aid of legislation that can only be opened and that can only be discussed in an executive session,” dagdag ng Mindanaoan lawmaker.
“Had the law intended also to include as an exemption ‘yung impeachment proceeding, then it would have been spelled out clearly in that law. Since wala po, we cannot interpret and provide our own interpretation doon sa batas na ‘yun,” sambit din ni Adiong.
Punto naman ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima, mas mataas ang antas ng isinasagawa nilang pagdinig, na pagtupad sa constitutional duty ng House panel kung kaya hindi ito maaari masaklawan ng nabanggit na pagbabawal.
“Hindi po katanggap-tanggap sa akin na ang sasabihin po ngayon ng the honorable BIR commissioner na babawiin na lang namin ang kahon na ‘yan kasi nga hindi siya sakop sa exemption, which is when mag-request in aid of legislation, when our role sitting in impeachment proceedings is a special constitutional duty. It is superior to that as to when we are acting merely as a legislative body,” tigas na sabi ni De Lima.
Dito na nagpasya si Luistro na idaan ang botohan ang magiging posisyon ng komite hinggil sa tinanggap na tax records ng mag-asawa.
